"Kanya na 'yung BPC (Best Player of the Conference) akin na lang yung championship."
Ito ang simple ngunit taos sa pusong isinagot ng reigning MVP na si June Mar Fajardo nang tanungin kung may epekto ang kasalukuyang labanan nila ni Calvin Abueva ng Alaska para sa BPC award ng ginaganap na 2015 PBA Philippine Cup sa naganap na pre-finals press conference noong nakaraang Lunes ng hapon sa Sambokojun Restaurant sa Eastwood City.
Nagkataong magkasunod ngayon, No.1 si Fajardo at No.2 naman si Abueva sa labanan para sa nasabing parangal.
At parang pinagtipan ng tadhana, ang dalawa na kasalukuyang nasa ikatlong taon na nila sa liga ay No.1 at No.2 pick sa nakaraang 2012 PBA Rookie Draft.
Tinaguriang " The Kracken" at "The Beast', si Fajardo ay MVP ng nakaraang season habang si Abueva naman ang Top rookie noong 2012.
``Yung mga teams naman namin ang maglalaban dito, eh, hindi kami lang dalawa lang ni Calvin,`` ayon pa kay Fajardo.
``Hindi naman namin iniisip ‘yun na No. 1 siya (Fajardo) at No. 2 ako. Ang mahalaga ngayon sa amin , para sa mga team namin, ‘yung manalo ng championship,`` pahayag naman ni Abueva.
Sa dalawa, higit na mas naghahangad ang Cebuano slotman na si Fajardo ng titulo dahil sa loob ng tatlong taon niya sa liga ay hindi pa siya nakakaranas ng kampeonato.
``Isa sa mga motivation ko ‘yun, si Calvin nakapag-champion na, ako wala pa, eh, same year lang naman kami nadraft,`` dagdag pa ni Fajardo.
Ngunit para kay Abeuva, hindi natatapos sa kanyang pagkatikim ng unang titulo noong 2013 Commissioners Cup ang paghahangad niyang manalo ng titulo.
``Lahat ng laro namin talagang pinaghihirapan namin at pinagtatrabahuhan, so siyempre lahat kami naghahangad ng magandang bunga ng lahat ng ginagawa naming pagpapagod at paghihirap,`` ayon pa kay Abueva.
Samantala, nang tanungin naman sa istilo ng laro ni Abueva, sinabi ni Fajardo na hindi siya apektado at nagaalala sa pagiging pisikal at agresibong maglaro nito.
``Sa loob ng court alam naman natin na talagang hustle player iyan, kaya andaming napipikon sa kanya. Pero style nya yun e, respetuhin natin,at hindi kami dapat maapektuhan,`` ani Fajardo.
``’Pag sa labas naman, nagbabatian kami, mabait na tao ‘yang si Calvin at pala-kaibigan,`` pahabol pa ni Fajardo.