MULA mismo kay Federico Moreno, ang unico hijo ni German ‘Kuya Germs” Moreno ay nalaman namin na nasa maayos na kalagayan na ang master showman bagamat hindi pa rin puwedeng tumanggap ng bisita.
Nakakausap at nakakakain na ngayon si Kuya Germs pero patuloy pa rin silang humihingi ng dasal para sa tuluyang paggaling ng isa sa mga icon ng Philippine entertainment industry.
“We humbly ask for your prayers for his quick recovery,”mensahe pa ni Federico.
Sabi ng isa sa mga sekretarya ni Kuya Germs na nakausap namin (last Monday), malamang na ilabas na sa Accute Stroke Unit ang TV host at ilagay sa regular room. Nabahala ang showbiz sa pagkakaospital ni Kuya Germs. Napakaraming tawag daw ng natatangap nila, mula sa mga taong nagmamahal sa master showman, na gustong sumugod sa St. Lukes.
Siyempre, nababahala ang mga ito sa biglang nangyari sa star builder, ang isa sa well-loved showbiz personality.
Mabilis ding kinumusta ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto ang kalagayan ng TV host at ganoon din naman ang King of Talk na si Boy Abunda na matatandaang ilang linggo ring na-confine sa aospital.
Itinuturing nang isa sa mga haligi ng local showbiz si Kuya Germs. Marami siyang tinulungan noon at magpahanggang ngayon na nangangarap na maging sikat sa showbiz. Ang kanyang That’s Entertainment ang nagpasikat noon kina Sheryl Cruz, Romnick Sarmenta, Lotlot de Leon, Tina Paner, Manilyn Reynes at maraming iba pa.
Darling of the Press din si Kuya Germs, mapabaguhan man o beterano na sa pagsusulat ay pantay-pantay ang treatment niya.
Si Kuya Germs na lang yata ang natitirang very loyal sa GMA-7. Kahit sa mga patay na oras inilagay ang kanyang Walang Tulugan With the Master Showman ay nanatili pa rin siyang loyal sa Siyete.
Kapuri-puri rin ang Walk of Fame na matatagpuan sa Eastwood City.
From all of us, get well soon, Kuya Germs.