Hahanapin ng Philippine Olympic Committee (POC) ang pinakamahuhusay at ekspiriyensado na mga batang manlalaro sa isasagawa nitong pagbubuo sa national volleyball team na isasagupa nito sa iba’t ibang internasyonal na torneo kabilang ang nalalapit na 28th Southeast Asian Games.
Ipinahayag ni POC first vice-president Joey Romasanta na isasagawa ang national tryout para sa lalaki at babaeng players sa susunod na linggo bunga ng kakulangan sa panahon para sa paghahanda ng bansa sa paglahok sa kada dalawang taon na torneo na gaganapin sa Hunyo hanggang 16 sa Singapore.
Si Romasanta, na inatasan mismo ni POC president Jose “Peping” Cojuangco matapos makausap ang matataas na opisyales ng Asian Volleyball Confederation (AVC) at International Volleyball Federation (FIVB) na resolbahan ang pag-aagawan sa liderato ng Philippine Volleyball Federation (PVF), ay isasagawa ang tryouts ngayong Linggo sa Philsports Arena sa Pasig City.
Inasatan ni Romasanta ang beteranong coach na si Roger Gorayeb at Sammy Acaylar para isagawa ang pagpili sa mga manlalaro sa tulong ng American beach volleyball coach na si Eric Lecain.
Inanyayahan ni Romasanta ang lahat sa open tryout, bagaman agad nitong pinili ang mga popular na manlalaro sa women’s division tulad nina Alyssa Valdez ng Ateneo de Manila, Mika Reyes ng De La Salle University at si Jaja Santiago ng National University na isama sa komposisyon dahil asam nito na maihanda ang long-term program na aabot hanggang sa 2017 SEA Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Ang bubuuin din nitong koponan sa kababaihan ang inaasahan nitong magrerepresenta sa Pilipinas sa gaganapin dito na Asian U23 Women’s Championship sa Manila sa Mayo 1 hanggang 9.
“Volleyball is a team sport so team chemistry and balance are very important in forming a team,” sabi ni Romasanta, na siya rin POC spokesperson at pangulo ng Philippine Karate Federation.
“We want the team to be as young as possible so it can also compete in the Asian U23. Then, in the SEA Games, we will just insert a handful of veterans to make the team more competitive against the likes of Thailand, Malaysia and Indonesia,” sabi pa nito.
Matapos na iuwi ang anim na gintong medalya simula 1977 hanggang 1993, hindi na kuminang muli ang Philippine women’s volleyball squad at napag-iwanan na sa regional level. Huli itong lumahok sa torneo noong 2005 kung saan nagkasya lamang ito sa ikatlong puwesto sa ginanap na Manila SEA Games sa Bacolod City.
Inaasahan din ang paglahok ng mga national team mainstays na sina Mary Jean Balse, Maika Ortiz, Aiza Maizo-Pontillas, Honey Royse Tubino at Dindin Santiago sa asam nitong sementuhan ang kanilang mga silya sa national squad na may solidong suporta ng POC, Asian at international federations.
Ipinaliwanag ni Romasanta na personal niyang pamumunuan ang selection process at agad na makikipagpulong kina Gorayeb, Acaylar at Lecain upang makabuo ng isang kompetitibong koponan.
“We have a lot of volleyball tournaments, but we don’t have a competitive team,” sabi nito. “It’s time to have a solid team that can make us proud in the international tournaments. I will be with the coaches during the entire selection process.”