ILOILO – Inaalam ng awtoridad ang posibleng pinsala sa kalikasan na idinulot ng pagtagas ng coal makaraang sumadsad ang isang cargo barge sa bayan ng Tobias Fornier sa Antique.
Sinabi ni Atty. Jonathan Bulos, regional director ng Environmental Management Bureau (EMB)-Region 6, na nasa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Region 6, na nagpadala na ito ng grupo sa Barangay Balud kahapon.
Ayon kay Bulos, inutusan ni DENR-Region 6 Director Jim Sampulna ang grupo na magsagawa ng water sampling upang matukoy kung kontaminado ng coal ang baybayin ng Bgy. Balud.
Una nang nagpahayag si Commodore Athelo Ybañez, hepe ng Maritime Security and Law Enforcement Command ng Philippine Coast Guard (PCG), ng pangamba na magdudulot ng pinsala sa kalikasan ang insidente makaraang mamataan ang namuong coal sa lugar.
Matatandaang sumadsad nitong Disyembre 30, 2014 ang M/T Brian sa Tobias Fornier dahil sa malalaking alon na dulot ng bagyong ‘Seniang’. Magbibiyahe sana ito ng mahigit 6,000 metriko tonelada ng coal mula sa Semirara Island sa Caluya, Antique patungong Toledo City sa Cebu.