NARITO ang ikatlong bahagi ng ating paksa tungkol sa maaari mong gawin sa iyong pagreretiro.
Ang mga meeting noon, puwede nang palitan ng pagbibiyahe sa magagandang destinasyon sa loob at labas ng ating bansa. Puwede mo nang piliin kung sinu-sino ang makakakuwentuhan mo, ang mga nais mong makasama araw-araw.
Sapagkat ikaw na ang nangangasiwa ng iyong schedules, itatalaga mo ang iyong sarili sa mga aktibidad na gusto mong gawin.
- Maging mas mahusay sa kinagigiliwang gawain. - Ang mga natutuhan mo noon ay unti-unting magbabalik kapag pinaglaanan ng sapat na panahon.
Tinuruan ako noon ng mabait kong esposo ng ilang tipa sa kanyang gitara. Ngunit sa loob ng maraming taon ng pagiging abala sa trabaho, nalimutan ko na ang iba sa mga tipa. Ang pagtugtog ng gitara ang isa sa mga nais kong masterin sa aking pagreretiro.
Sa iyong pagreretiro, may panahon ka na upang muling balikan ang pag-aaral ng isang talento na gustung-gusto mo.
- Laanan ng panahon ang iyong sarili. - Ang pagreretiro ang perpektong panahon na magkaroon ng oras upang pagnilayan ang iyong rekasyon sa Diyos. Ang panahon na inaabangan mong masolo ang Panginoon nang walang ibang alalahanin na dulot ng trabaho ay hawak mo na. Ngunit kung hindi ka magsisikap na gumawa ng paraan para rito, mamamalayan mo na lamang na lumilipas ang mga araw na wala kang ginagawang mahalaga para sa iyong sarili. Noong aktibo ka pa sa trabaho, naroon ang lahat ng distraksiyon na sumasalungat sa pagnanais mong magnilay. Panakaw ang iyong pananalangin, lalo na kung may problema ka o may hinihiling ka sa Diyos. Sa pagreretiro, ikaw ang may kontrol ng iyong mga aktibidad; nasa iyong pagpapasya kung isasama mo ang Diyos sa iyong mga gawain hanggang sapitin mo ang iyong takipsilim.