Umaapela ng pang-unawa si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga mananampalatayang Katoliko sa mga lugar na hindi madadalaw ni Pope Francis sa pagbisita nito sa bansa sa Enero 15 hanggang 19.
Ayon kay Tagle, lahat ng mga Pinoy ay nais sanang bisitahin Papa ngunit hindi naman aniya niya ito kakayanin.
Iginiit ni Tagle na hindi dapat isipin ng mga Pinoy na ang nais lamang makita ng Papa ay yaong mga sinalanta ng bagyo dahil kung maaari lamang na mabisita at makita ang lahat ng Pinoy ay tiyak na gagawin ito ni Pope Francis.
“Lahat tayo gusto mabisita, lahat tayo gusto bumisita ang Papa pero siguro igalang natin ‘yung physical impossibility rin,” paliwanag ni Tagle.
Dagdag pa niya, kahit isang Pinoy lamang ang makamayan at mayakap ni Pope Francis ay mistulang niyayakap na rin niya ang lahat ng Pinoy.
Maraming grupo at mga lugar ang humihiling na mabisita sila ng Papa ngunit hindi naman ito kayang pagbigyan lahat.
Iginiit ni Tagle ang mensahe ni Pope Francis na ang Panginoon ang dapat na maging sentro sa kanyang pagbisita sa Pilipinas.