Hiniling kahapon ng kampo ni Amin Imam Boratong, may-ari ng nabuking na “shabu tiangge” sa Pasig City at sinentensiyahan ng habambuhay na pagkabilanggo noong 2009, sa Korte Suprema na ibalik siya sa New Bilibid Prison (NBP) mula sa National Bureau of Investigation (NBI) detention facility.

Base sa petition for writs of habeas corpus, habeas data at Amparo, sinabi ng maybahay ni Boratong na si Memie Sultan-Boratong na walang kautusan mula sa korte upang ilipat si Amin sa NBI facility sa Manila.

Iginiit ni Memie na ang paglilipat kay Amin sa NBI jail ay isang paglabag sa Presidential Decree No. 29, na nakasaad na ang lahat ng preso na nahatulang mapiit ng mahigit tatlong taon at isang araw ay klasipikadong “national prisoner” at dapat na ikulong sa NBP.

Hirit din ni Memie na ang pagtanggi ni Justice Secretary Leila de Lima na mabisita ng abogado at pamilya ni Boratong ang convicted drug trafficker ay isang paglabag sa RA 7438, na nagsasaad sa mga karapatan ng mga arestado at nakakulong na indibiduwal.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Disyembre 15, 2014 nang pinangunahan ni De Lima ang NBI raiding team sa paghalughog ng mga selda ng mga high-profile inmate, kabilang na si Boratong, na rito ay nabuking ang marangyang pamumuhay ng mga high-profile inmate.

Kabilang sa mga nasamsam ng raiding team ang ilegal na droga, baril, cell phone, mamahaling appliances, at sex doll.

Bunsod nito, ipinag-utos ng kalihim na ilipat sa NBI detention facility si Boratong, kasama ang 19 na iba pang high-profile inmate na karamihan ay mga sentensiyadong drug trafficker. - Rey G. Panaligan