NAGTUNGO si Karen Davila sa Hong Kong upang ipakilala sa kanyang programang My Puhunan ang dalawang overseas Filipino worker (OFW) na nagmula sa hirap, nagsikap, at ngayon ay matagumpay nang negosyante sa naturang city state.
Aalamin ni Karen ang mga kuwento ng tagumpay nina Manny Portugal at Jun Paragas, na magtuturo rin ng tamang pagtitipid, pag-iipon, at pag-i-invest sa mga manonood.
Unang kikilalanin ni Karen si Manny, na napadpad sa Hong Kong noong 1991 at nagtrabaho bilang waiter noong 17 anyos pa lamang. Nagsikap siyang makapag-ipon upang magtayo ng sarili niyang negosyo at ngayon ay may-ari na ng Backstage Productions, isang lights and sounds company na nagseserbisyo sa bigating events at concerts sa Hong Kong.
Nagsimula naman bilang staff member sa isang balikbayan box company si Jun sa Hong Kong. Pero dahil sa ganda ng kanyang boses, nabigyan siya ng pagkakataong maging radio host at sumikat sa programang Lovingly Yours, Tita Kerry.
Nakamit ni Jun ang tagumpay sa Hong Kong hindi lang sa pagiging radio personality kundi maging sa pagiging negosyante. Mayroon siyang one-stop shop sa isang mall na dinarayo ng mga kababayang Pinoy doon.
Tutukan ang kuwento nina Manny at Jun sa katuwang ng mga Pilipino sa pagsisimula at tagumpay, ang My Puhunan ngayong Miyerkules (Enero 7), 4:30 PM sa ABS-CBN.