ITO ang huling bahagi ng ating paksa tungkol sa susunod na dalawang taon. Binanggit ko noong nakaraang linggo ang mga hindi pangkaraniwang pangyayari na makatutulong sa ekonomiya, gaya ng election spending at ang paglakas ng paggugol ng pamahalaan. Kabilang din sa mga pangyayaring ito ang mababang inflation rate, mababang interes at ang pagbagsak ng presyo ng langis. Sa kabila nito, nananatiling malakas ang tinatawag nating traditional growth drivers gaya ng industriya ng business process outsourcing (BPO), remittances at turismo.

Ang implementasyon ng mga proyekto sa imprastraktura ay makatutulong din sa lalong paglakas ng industriya ng BPO dahil mabubuksan nito ang iba pang dako sa labas ng Metro Manila para sa mga kumpanyang BPO. Samantala, ipinahayag ng pamahalaaan na nagpapanibagong-sigla ang industriya ng turismo matapos ang mga kalamidad noong 2013. Para sa 2015, inaasahang aabot sa 6.8 milyon ang mga turistang dumating sa Pilipinas. Ang remittances ng mga OFW ay patuloy sa paglaki sa kabila ng mga kaguluhan sa ilang bansa. Ayon sa Bangko Sentral, umabot na sa $19.9 bilyon ang naipadala ng ating mga makabagong bayani sa unang 10 buwan sa 2014, mas mataas ng 6.2 porsyento kaysa sa $18.7 na ipinadala nila sa parehong panahon noong 2013.

Patuloy rin ang pagpasok ng dayuhang puhunan o foreign direct investment (FDI) sa Pilipinas dahil na rin sa magandang credit rating ng bansa. Patuloy rin ang pamumuhunan ng mga lokal na negosyante. Ang mga malalaking negosyante ay nagbubuhos ng kapital sa iba’t ibang proyekto, sarili man nila o sa pakikipagtulungan sa mga dayuhan. Nakikita natin ang mga proyektong ito hindi lamang sa Metro Manila kundi sa Cebu at Iloilo sa Kabisayaan at sa Cagayan de Oro at Davao sa Mindanao.

Dapat siguruhin na ng pamahalaan na patuloy na maakit ang mga dayuhang mamumuhunan dahil ito ang nawawalang kawing sa pagitan ng mabagal at mabilis na paglago ng ekonomiya. Naniniwala ako na handa nang kumawala ang ating ekonomiya sa kabila ng pansamantalang pagbagal noong 2014. Dahil dito, nararapat lamang na alisin ang lahat ng hadlang sa ating daanan sa pamamagitang ng mga reporma na makatutulong sa mga mamumuhunan na magnegosyo rito. Totoo na maganda ang hinaharap ng ating ekonomiya. Sa kabila nito, hindi natin dapat kalimutan ang namamalaging hamon: ang paglikha ng trabaho.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Manigong Bagong Taon!