Ni FREDDIE G. LAZARO

Hinikayat ni Ilocos Sur Gov. Ryan Luis V. Singson ang awtoridad na agad arestuhin ang walong lalaking sibilyan na naging viral sa Facebook matapos ipaskil ang video ng pagpapaputok nila ng baril sa pagsalubong sa Bagong Taon sa Barangay San Antonio, Narvacan, Ilocos Sur.

Ito ay matapos magsampa ang pulisya ng kasong alarm and scandal laban sa walong suspek sa Narvacan Municipal Circuit Trial Court. Kinasuhan na sina Cezar Funtanilla, Mark R-Jay Cabana, Jumar Cabreros, Ian Christopher Calixterio, Russel Funtanilla, Philip Andrew Funtanilla, Geronimo Gomez at Mark Cachola, pawang taga-Bgy. San Antonio.

“Hindi ko kukunsintihin ang ganitong insidente dahil ako mismo ang nanguna ng pagseselyo ng baril ng mga responsableng civilian gun owner bago ang bisperas ng Bagong Taon,” pahayag ni Singson.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

“Dapat na magsilbing aral itong insidenteng ito para sa walong lalaki,” dagdag niya.

Sinabi ni Senior Supt. Nestor Felix, director ng Ilocos Sur Provincial Police Office, na hinahanap na rin nila ang baril na ginamit ng walong suspek, na nakitang ipinuputok nila sa mga larawan na naipaskil sa Facebook.

Lumitaw sa isang Facebook account ang larawan ng mga suspek habang halinhinang nagpapaputok ng isang .45 caliber pistol at isang M-16 rifle.

Inaalam na rin ng pulisya kung lisensiyado ang mga baril na ginamit ng mga suspek.