Makatatanggap na ng P500 monthly allowance ang lolo’t lola mula sa mahihirap na pamilya ngayong 2015, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa panayam, sinabi ni Ana Salud, focal person ng DSWD social pension, na naglaan ang gobyerno ng P5.9 bilyon para sa programa na inaasahang aabot sa 939,609 ang senior citizen na benepisyaryo.

Ito ay matapos palawakin ang age coverage ng mga benepisyaryo mula sa dating 77 anyos pataas, at ngayo’y 65 taong gulang pataas.

Ang Social Pension for Indigent Senior Citizens ay isa sa mga probisyon sa ilalim ng Section 5 ng RA 9994 (Expanded Senior Citizens Act) na nakasaad na mabibiyaan ang bawat senior citizen mula sa maralitang pamilya ng P500 monthly stipend bilang tulong pinansiyal ng gobyerno para sa kanilang pangangailangang medikal at pangaraw-araw na gastusin.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

“Ibibigay ang P500 monthly stipend sa kada tatlong buwan, o P1,500 para sa kada benepisyaryo,” paliwanag ni Salud.

Noong 2014, naglaan ang gobyerno ng P3.1 bilyon para sa monthly allowance ng 479,000 maralitang lolo’t lola na may edad 77 pataas.

Simula ngayong Enero, prayoridad na mabigyan ng DSWD ng social pension ang mga senior citizen na edad 65 pataas at may mahinang pangangatawan, sakitin, walang hanapbuhay, walang suportang pinansiyal mula sa pamilya, at mga hindi nakatatanggap ng pensiyon mula sa gobyerno at sa pribadong ahensiya.

Ang mga lolo’t lola na benepisyaryo ng programa ay natukoy sa pamamagitan ng National Household Targeting System for Poverty Reduction o “Listahanan” ng DSWD. - Ellalyn B. de Vera