Pinangunahan ni Vice President Jejomar C. Binay ang pamamahagi ng 7,500 relief bag sa mga residente mula sa ilang bahagi ng Cebu na naapektuhan ng bagyong ‘Seniang’.
Nakipagpulong din ang pangalawang pangulo sa mga lokal na opisyal ng mga apektadong bayan upang alamin ang mga pangangailangan ng mga residente.
Kabilang sa nabiyayaan ng relief operation ng Office of the Vice President ay ang mga residente ng Ronda, Dumanjug, Sibonga at Carcar.
“We symphatize with the sorrow of residents affected by typhoon Seniang and we’re here to let them feel that the government is ready to help them,” pahayag ni Binay.
Habang nasa Ronda, dumalaw din si Binay sa lamay ng pitong nasawi sa bagyo at nag-abot ng ayuda sa mga naulilang pamilya.
Kasalukuyang nasa state of calamity ang mga bayan ng Ronda at Dumanjug.
Samantala, sinabi ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office na tinatayang aabot sa P1 bilyon ang halaga ng mga nasirang ari-arian at imprastruktura sa mga nasalantang lugar sa Cebu.
Tiniyak ni Binay na makararating ang tulong sa mga nawalan ng tahanan upang agad na maibalik sa normal ang kanilang mga buhay.