INOOBSERBA ng bansa ang ika-203 kaarawan ng bayaning Pilipina na si Melchora Aquino ngayong Enero 6. Siya ang tinaguriang “Grand Lady of Katipunan” dahil sa kanyang papel sa Rebolusyon ng Pilipinas laban sa Spain noong 1896. Ayon sa kasaysayan, siya ay nagpakain, nanggamot at nagkalingan na parang ina, binuksan ang kanyang tahanan at tindahan upang maging kanlungan ng mga sugatan at may sakit na Katipunero, kabilang na ang bayaning si Gat Andres Bonifacio, sa panahon ng Sigaw sa Balintawak. Tinagurian siyang “Ina ng Katipunan” at “Tandang Sora” ng mga rebolusyonaryong Pilipino dahil, sa kabila ng kanyang katandaan -- siya ay 84 nang panahong iyon -- siya ay nagsilbi sa bansa at sa kanyang mga kababayan sa pakikibaka para sa kalayaan.
Inaresto siya ng mga Espanyol at ikinulong sa Novaliches, at kalaunan ay inilipat sa Katipunan. Ipinatapon siya sa Marianas Islands sa Guam noong Setyembre 2, 1896. Makalipas ang pitong taon, pinabalik siya, kasama ang 72 iba pang ipinatapong Pilipino, sa Pilipinas ng mga Amerikano noong Pebrero 26, 1903.
Si Tandang Sora ay kinilala sa kanyang pagiging mapagbigay, kabayanihan, at katapangan sa ngalan ng kalayaan. Ipinangalan sa kanya ang isang kalye, at isang distrito sa Quezon City; isang kalye sa San Francisco, California, at ang bulaklak na Hibiscus sp Tandang Sora. Ang kanyang imahe ay inilagay sa limang sentimong barya ng Pilipinas mula 1967 hanggang 1992, at siya ay nakalarawan sa P100 perang papel sa English series ng Philippine banknotes mula 1951 hanggang 1996.
Sa kanyang ika-200 (bicentennial) kaarawan noong 2012, ang kanyang mga labi na ninalutan ng watawat ng Pilipinas ay inilipat mula sa Himlayang Pilipino Memorial Park, kung saan siya nakalibing sa loob ng 42 taon, patungo sa Tandang Sora Shrine sa Banlat Road, Quezon City, ang lugar ng kanyang orihinal na tahanan. Ang dambana, ipinaayos ng gobyerno ng Quezon City noong 2005, ay idineklarang National Shrine ng National Historical Commission noong Marso 3, 2012. Isang museo ang itinayo upang ipreserba ang kanyang mga uliran at kabutihang asal, kabilang na ang kanyang mga kontribusyon sa pagsulong ng mga Pilipina.
Isinilang noong Enero 6, 1812, sa Banilad, Caloocan, si Tandang Sora ay anak ng mag-asawang magsasaka na sina Juan at Valentina Aquino. Hindi siya gaanong nakapag-aral ngunit nagpamalas ng katalinuhan sa murang gulang. Isang mahusay na mang-aawit, umaawit siya para sa choir ng simbahan at sa mga lokal na kapistahan. Ikinasal siya sa pinuno ng barangay na si Fulgencio Ramos at sila ay nagkaroon ng anim na anak. Nang siya ay mabiyuda, puspusan siyang nagtrabaho upang mabigyan ng magandang edukasyon ang kanyang mga anak.
Tinanggihan niya ang mga materyal na regalo at pabuya sa kanya ng gobyerno ng Pilipinas para sa kanyang serbisyo noong rebolusyon. Namatay siya noong Marso 2, 1919, sa edad na 107, at ang kanyang mga labi ay unang inilibing sa Mausoleo de los Veteranos sa La Loma Cemetery kung saan ito nanatili hanggang noong 1969, inilipat sa Himalayang Pilipino, at noong 2012 sa Tandang Sora Shrine.