MALIBAN kung may dudulog sa husgado para sa posibleng pagpapalabas ng temporary restraining order (TRO), talagang hindi na mahahadlangan ang pagtataas ng pasahe sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT). Katunayan, sa kabila ng matitinding bantang protesta ng iba’t ibang sektor na kinabibilangan ng ilang mambabatas, sinimulan na kahapon ang naturang dagdag na pasahe.

Hindi na nga maaawat ang ganitong panibagong pagpapabigat sa pasanin ng mga mamamayan. Mismong Malacañang ang tahasang nagpahiwatig na wala itong intensiyong pigilan ang naturang fare increases na sinasabing lubhang kailangan sa rehabilitasyon at sa pagpapabuti ng serbisyo ng nabanggit na transport services. Isa itong malaking kabaligtaran sapagkat kabi-kabila ang mga aberya sa mga tren na kung hindi nadidiskaril ay nagkakaroon ng power shortage sa kapinsalaan ng mga pasahero. Hindi ba ang ganitong estratehiya ng gobyerno na nagpapalatang sa galit ng sambayanan?

Kaakibat ng pahayag ng Malacañang, wala na rin itong hangarin na sagkaan ang pagtataas ng singil ng water services – ang Maynilad Water Services at ang Manila Water Company. Ang dagdag na singil ay pinagtibay na ng gobyerno sa pamamagitan ng Manila Waterworks and Sewerage System (MWSS) upang umano’y matugunan ang foreign currency differential adjustment (FCDA). Makapagpapabuti kaya ito ng kalidad ng serbisyo ng naturang water concessionaires o lalong magpapahirap sa taumbayan, lalo na sa mga ‘isang-kahig-isang-tuka’?

Kahit na saan silipin, ang wala-sa-panahong pagtataas ng pasahe sa MRT at LRT at ang dagdag na singil sa water services ay totoong walang lohika; lilikha ito ng kawing-kawing na reaksiyon na hahantong sa ibayong paglobo ng presyo ng ating pangunahing mga pangangailangan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa harap ng katotohanang ito, maliwanag na manhid ang administrasyon sa pagdama sa kahirapan ng mamamayan. Hindi kaya sa pagtataas ng singil sa pasahe at sa water services, lalo nilang pinagdurusa ang bayan at pinagiginhawa naman ang iilang kapitalista na nangangasiwa sa LRT, MRT, Maynilad at Manila Water Services?