NAPANOOD namin ang pilot episode ng Give Love on Christmas Presents Exchange Gift nina KC Concepcion at Paulo Avelino kahapon at talagang nakakakilig nga.
Bihira kasi kaming mapangiti habang nanonood ng romantic comedy, pelikula man o TV show, lalo na kung pilit at hindi naman nakakakilig ang mga bida dahil halatang iniaarte lang. Kung minsan nakakayamot lang subaybayan.
Pero naaliw kami kina KC at Paulo, ha! Sobrang vulnerable kasi ang role ng aktres na hindi ina-appreciate ng ama at ng mga empleyado nito ang kanyang kakayahan.
Samantalang sungit-sungitan naman ang dating ni Paulo kasi nga namumrublema sa negosyo nila na palugi na at hindi ngumingiti lalo pa’t walang girlfriend.
Kaya naman napagkamalan siyang closet gay ni KC na hindi niya pinapansin dahil nasanay na raw na kapag may bagong nakikilalang lalaki ay nagpaparamdam na agad.
Pero nabago ang ugali ni Paulo, naging masayahin at ngumingiti na, ito ang napansin ng assistant niyang si Jason Francisco. Na-attract na rin sa kanya si KC, naging “sila”, na hindi nagustuhan ng tatay ng dalaga na si Jim Paredes at pinapili siya kung ang pag-aaral sa Harvard University o ang lalaking may-ari ng lupang ayaw ibenta sa kanila.
Mas pinili ni KC si Paulo at sa pagsasama nila sa iisang bubong ay maraming madidiskubre ang aktres pero bitin dahil dito na pinutol ang istorya at ngayong umaga ulit itutuloy.
Maraming eksena sina Paulo at KC na mapapangiti ka dahil napakasimple ng tinginan at galaw nila pero may kilig, parang totohanan o hindi na yata umaarte dahil ganito yata sila sa personal. Kaya magaan ang dating, hindi ‘yung habang nanonood ka, eh, nakakunot ang noo dahil marami kang comment na gusto mong sabihin.
Hmmm, wish ko lang lagi akong maagang magising para mapanood ko nang tuluy-tuloy ang “Exchange Gift,” he-he-he.