MASAYANG-MASAYA at lalo yatang gumaganda si Jennylyn Mercado ngayon na aminadong punumpuno ng tuwa ang puso dahil sa blessings na dumarating sa kanya bago matapos ang 2014 at hanggang ngayong kapapasok pa lamang ng 2015.
“Marami pong blessings talagang dumarating,” sabi ng bagong darling ng moviegoers. “Unang-una po ang tagumpay sa box-office ng English Only, Please sa box-office at ang seven awards na natanggap ng movie na produced ng Quantum Films ni Atty. Joji Alonso. Nang gawin namin ang movie ni Derek Ramsay, wala naman sa hinagap namin na magugustuhan ito ng mga moviegoers lalo na ng jurors ng Metro Manila Film Festival (MMFF).
“Ako naman on my role, ibinigay ko lamang iyong hinihingi ng script at ni Direk Dan Villegas. Tulad nga ng sabi namin noong presscon ng movie, in-enjoy lang namin ang bawat eksena, pero hindi ko rin inisip na magiging byword iyong dialogue kong paulit-ulit, tuwing mali-late ako sa meeting namin ni Derek na ‘sorry, ma-traffic sa EDSA’.
“Natatawa na lang ako sa mga kumukuwestiyon kung bakit kami ni Derek ang nanalong best actor at best actress, hindi po naman namin iyon hiningi, ibinigay po iyon sa amin. Kaya labis-labis ang pasasalamat namin sa mga tumangkilik sa aming pelikula, dahil may balita kaming kahit matatapos na ang MMFF (bukas, January 7), baka raw may extension pa rin ang showing namin in some theaters.
“Bago rin natapos ang 2014, ini-launch ako as the product ambassador ng Tanduay na siyang naging isa sa major sponsors ng GMA 2015 Countdown sa SM Mall of Asia bayside na dinaluhan ng napakaraming tao. Nakakatuwa na kahit po inulan kami, hindi nag-alisan ang mga tao, ganundin ang executives ng Tanduay at ng isa pang sponsor, ang Krem-Top. Sabi nila, blessings daw iyon dahil hindi naman nagtagal, huminto na rin ang ulan.
“At next Monday, January 12, pilot telecast na namin ng bago kong soap sa GMA-7, ang Second Chances. Dito po naka-relate ako sa story dahil may mga eksena ritong pinagdaanan ko na rin. Hindi po naman ako nagsisi kung may mga hindi magagandang nangyari sa akin noon, pero nagturo naman iyon sa akin para lalo akong magsikap at lakasan ang loob dahil may anak akong binubuhay, si Alex Jazz, na siyang pinakamahalagang tao sa buhay ko ngayon.
“Nasabi ko nga po sa studio plug namin na nagpapasalamat ako na hindi ako binitiwan ng GMA kahit pa nagkaroon ako ng hindi magandang pangyayari sa buhay ko, kahit nabuntis ako, tinanggap pa rin nila ako nang bumalik ako sa kanila at binigyan nila ako ng second chance na ipagpatuloy ko ang pag-aartista ko at nangako ako sa kanila na hinding-hindi ko sasayangin ang pagkakataong ibinigay nila sa akin.”
Bago natapos ang 2014, nagkasundo silang muli ng ama ni Alex Jazz na si Patrick Garcia nang mag-reach out sa kanya ang magiging asawa nito, si Nikka. Best of friends sila ngayon at last Christmas, dumalaw pa ang buong family nina Patrick at Nikka sa kanyang bahay, na incidentally ay bago niyang pagawa.
“Ibinenta ko po ang dati kong bahay at nagpatayo ako ng bago malapit din lang sa dati kong bahay. Mayroon din akong sisimulang business at inaayos na lang namin ang iba pang papers at hopefully, before this month ends, makapagsisimula na kami.”
Wala pang balak si Jennylyn na magkaroon ng bagong boyfriend.
“Sa showbiz career ko na muna at sa bago kong business nakatuon ang panahon ko at sa taping ng Second Chances na katambal ko sina Raymart Santiago, Rafael Rosell, Luis Alandy, at kasama rin namin sina Camille Prats, Roi Vinzon, sa direksyon ni Laurice Guillen. Mapapanood po kami gabi-gabi sa GMA-7 pagkatapos ng Once Upon A Kiss.”