Dapat na irespeto ng mga Pinoy ang desisyon ni Pope Francis na hindi muna humirang ng bagong Cardinal na Pinoy sa ikalawang consistory ng Papa.
Nabatid na 20 bagong Cardinal ang hinirang ng Santo Papa mula sa 13 bansa ngunit walang Pilipino sa mga ito.
Ayon kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, ang paghihirang ng Cardinal ay desisyon lang ng Papa at kung wala mang Pinoy na nakabilang dito ay dapat aniyang igalang ang desisyong nito.
“Kasi ang paghihirang ng Cardinal, totally nasa [desisyon] ng Papa ‘yan e. Meron bang isasamang Pilipino? Ewan ko, nasa kanya ho ‘yun,” ani Tagle. “Igalang na lang natin ang [desisyon] ng Papa, prerogative niya ‘yan e at saka hindi naman ho siguro ito para ano lang, kumbaga national representation, eh.”
Ibinahagi naman ni Tagle na sa kanyang panahon ay ikinagulat niya ang paghirang sa kanya bilang Cardinal.
“Nung ako po kasi ay napangalanan, ako’y nagulat lang. Nasabihan ako, mga 15 hours before the announcement, and I happened to be in Rome kaya ako nasabihan,” aniya pa.
Nabatid na ang mga bagong Cardinal, na nagmula sa Italy, France, Portugal, Ethiopia, New Zealand, Vietnam, Mexico, Myanmar, Thailand, Uruguay, Spain, Panama, Cape Verde at Tonga, ay pormal na iluluklok sa puwesto sa Pebrero 14, 2015.
Matatandaang sa kanyang unang special consistory noong Pebrero 2014 ay humirang ng 19 na cardinal si Pope Francis at kabilang sa mga ito si Cotabato Archbishop Orlando Cardinal Quevedo.