DAVAO CITY – Sa kabila ng walang naitalang nasugatan sa paputok noong Disyembre 31 ng gabi sa pagsalubong sa Bagong Taon, patuloy na nagbabala si Mayor Rodrigo Duterte sa mga taga-lungsod na umiiral pa rin ang firecracker ban sa siyudad at nagbantang aarestuhin at ikukulong ang mga lalabag dito.
Sa regular na TV program niyang “Gikan sa Masa, Para sa Masa” noong Linggo, sinabi ni Duterte na buong taon at hindi lang tuwing magba-Bagong Taon epektibo ang ordinansang nagbabawal sa pagpapaputok sa siyudad.
Aniya, ang mga maaaresto sa paglabag sa ordinansa ay kakasuhan sa korte.
“Ipa-demanda ta gyud mo. Walay areglo. (Kakasuhan ko kayo. Walang are-areglo,” sabi ni Duterte.
Sa kabila ng istriktong pagpapatupad ng firecracker ban sa lungsod ay nadakip ng pulisya ang 32 katao sa paglabag sa nasabing ordinansa.
Sa 32 naaresto, 13 ang menor de edad at isa ang opisyal ng barangay.
Mas kakaunti ang lumabag sa firecracker ban ngayong taon kumpara sa 42 nadakip noong nakaraang taon, ayon sa awtoridad.
Inihayag din ng alkalde na magbibigay siya ng pabuya sa sinumang magsusumbong sa sinumang lumabag sa nasabing ordinansa, partikular ang mga nagpaputok ng baril sa pagsalubong sa Bagong Taon.
“Magbibigay ako ng P5,000 sa magre-report sa mga lumabag sa firecracker ordinance, pati na ‘yung gumamit ng baril,” sabi ni Duterte.
Nagbanta rin siya sa mga lalabag sa ordinansa sa susunod na selebrasyon ng Bagong Taon: “Kadtong magpabuto, ayaw na mo’g huwat nako, pusilon ta mo diretso (Sa mga magpapaputok, ‘wag n’yo na akong hintayin, babarilin ko kayo).” (Alexander D. Lopez)