Bunsod ng walang humpay na smuggling operation sa karagatan, bibili ng mga bagong patrol boat ang Bureau of Customs (BoC) upang palakasin ang Water Patrol Division nito laban sa mga big-time smuggler.
Sinabi ni Customs Deputy Commissioner for Enforcement Ariel Nepomuceno na bumili ang ahensiya ng dalawang patrol boat at dadating ang mga ito sa bansa ngayong taon.
“Bubuhayin namin ang Water Patrol Division matapos itong aprubahan ng Kongreso,” ayon kay Nepomuceno.
Ayon sa opisyal, naglaan ng P20 milyon ang Kongreso para sa pagbili ng dalawang patrol boat para sa BoC.
Iginiit pa ni Nepomuceno na mahalaga ang papel ng Water Patrol Division sa pagsasagawa ng border patrol at masawata ang smuggling operation na idinadaan sa karagatan.
Ilang taon na ang nakararaan nang buwagin ang BoC-WPD bunsod ng matinding kakulangan sa pondo.
Sa kasalukuyan, umaasa ang Customs sa ibang ahensiya ng gobyerno, tulad ng Philippine National Police (PNP) Maritime Group at Philippine Coast Guard (PCG) sa pagsugpo sa pagaangkat ng kontrabando sa teritoryo ng Pilipinas.
“Ang kasalukuyang ginagamit namin ay tatlong bangkang de-motor na hindi epektibo. Maaari lamang silang magamit sa mga lugar na walang alon,” paliwanag ng opisyal.
Habang hinihintay ang pagdating ng mga patrol boat, sinabi ni Nepomuceno na sinimulan na nila ang pagsasanay sa mga tauhan ng WPD.