Mula sa reckless imprudence resulting to serious physical injury, gagawing murder ang kasong isasampa laban kay Mark Ian Libuanao, na nanagasa sa isang traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa EDSA, Quezon City noong Disyembre 19.

Ito ang inihayag ni MMDA Chairman Francis Tolentino matapos pumanaw si Traffic Constable Sonny Acosta noong Disyembre 23 dahil sa cardiac arrest.

Una nang kinasuhan si Libuanao ng abandonment of person in danger at driving with expired license subalit itataas na ito sa kasong pagpatay bukod pa sa hiwalay na kasong sibil na ihahain ng MMDA laban sa suspek ngayong linggo.

Matatandaan na nabundol at nakaladkad ni Libunao si Acosta matapos sitahin ng huli ang motorista sa paglabag sa batas trapiko.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

“Bibigyan natin ng ayudang legal ang pamilya ni Acosta,” tiniyak ni Tolentino.

Aniya, gagamitin ding ebidensiya ang CCTV footage na nakakuha sa insidente upang mapalakas ang kaso laban sa suspek.

Kaugnay nito, umapela si Tolentino sa mga motorista na irespeto ang mga traffic constable dahil ginagawa lang ng mga ito ang kanilang trabaho.