Isasagawa ng Philippine Sports Commission (PSC) sa Enero 12 hanggang 14 ang dalawa sa pinakabago sa serye ng mga makabagong larangan sa palakasan sa itinakda nitong Sports Science Seminar sa Philsports Arena.
Sinabi ni PSC Research and Planning chief Dr. Lauro Domingo Jr, na magbabalik sa bansa si Terry Rowles para makasama si Dr. Scott Lynn sa pagsasagawa ng Series 6 at 7.
Bitbit ni Lynn ang kahusayan sa iba’t-ibang pag-aaral sa sports matapos magtapos ng BSc/BPHE,MSc at PhD (Biomechanics) degrees sa Queen’s University sa Kingston, Ontario, Canada at sumailalim pa sa post-doctoral fellowship sa University of Waterloo sa Waterloo, ON, Canada.
Isa rin itong associate professor sa Kinesiology sa California State University at aktibong nagsasagawa ng sariling research para mas lalong palalimin ang kaalaman sa biomechanics.
Nauna nang nagtungo si Rowles sa bansa noong Mayo kung saan nakasama nito si Ali Gilbert sa seminar.
Si Rowles ay advisory board member ng Sports Performance University at may post graduate certificate sa Neuro Linguistic Programming na magagamit para sa mental toughness ng mga atleta.
Asam naman ng proyekto ng PSC sa pagdaraos ng sports science seminar na sinimulan nito noong 2013 kung saan naisagawa na ang limang magkakaibang subject na itinuro ng mga banyagang speakers para maipaliwanag sa mga national coaches at iba pang nais na matuto ng mga bagong sistema ukol sa siyensiya sa sports.