Pinaiimbestigahan ni Justice Secretary Leila de Lima ang ilang opisyal at tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos madiskubre ang P700,000 cash at mga cell phone sa loob ng pansamantalang piitan ng 20 high-profile inmate na inilipat sa NBI detention facility mula sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.

“Gusto kong malaman kung kailan at kung paano ito nangyari at sinu-sino ang sangkot, maging sila man ay tauhan ng NBI o BuCor (Bureau of Corrections) na nakatalaga sa NBP Extension Facility sa NBI, o kaya’y posibleng ang mga regular detainee mismo sa NBI facility,” pahayag ni De Lima sa text message.

Kinumpirma ni NBI Director Virgilio Mendez na nakakumpsika ang mga tauhan ng NBI ng P1,000 at P500 bill mula sa 20 preso, na karamihan ay mga sentensiyadong drug trafficker na inilipat sa NBI noong Disyembre 15 matapos ang pagsakalay sa NBP Maximum Security Compound laban sa mga kontrabando.

Kabilang sa 20 presong inilipat sa NBI sina Eugene Chua, Sam Li Chua, Vicente Sy, George Sy,Tony Co, Joel Capones, Herbert Colangco, Peter Co, Amin Imam Buratong, Clarence Dongail, Tom Chua, Rommel Caponey, Jojo Baligad, Willy Chua (Cai Shao Ming), Michael Ong, Jacky King, Willy Sy, Noel Martinez, Agojo Y. Dona, at isang “Marcelo.”

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Natagpuan ang P700,000 cash sa mga basurahan at inodoro sa paginspeksiyon sa pasilidad kamakailan, ayon kay Mendez.

Todo-tanggi naman ang mga preso nang unang tanungin kung kanila ang salaping natagpuan subalit kalaunan ay umamin sina Colangco, Boratong, Ong at Sy na sa kanila ang pera.

Naniniwala ang NBI na gagamitin ng mga high-profile inmate ang salapi bilang panuhol sa mga jail guard.