Inihayag ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nagdulot ang bagyong ‘Seniang’ ng mahigit P.5 bilyon halaga ng pinsala sa agrikultura sa Visayas at Mindanao.

Batay sa huling NDRRMC bulletin tungkol sa pananalasa ng Seniang—na nagdulot ng matinding baha at pagguho ng lupa na pumatay sa maraming tao at nakaapekto sa 116,776 na pamilya o 544,816 na katao sa 22 lalawigan sa Visayas at Mindanao—nawasak din ng bagyo ang kabuuang 2,740 bahay sa Regions 6, 7, 8, 9, 10, 11 at Caraga.

Pinakamatinding nasalanta ang Eastern Samar, Western Samar, at Leyte sa Region 8, ayon sa NDRRMC.

Inihayag din ng ahensiya na may kabuuang P465,084,397 halaga ng pinsala sa agrikultura ang naitala sa rehiyon, partikular sa Leyte, Southern Leyte, Samar, Eastern Samar, at Northern Samar.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa Region 7, partikular sa mga probinsiya ng Bohol at Cebu, ang pinsala sa agrikultura ay umabot sa P12,609,927, habang sa Region 6, partikular sa Capiz, Iloilo, at Negros Oriental, ay winasak ng Seniang ang P102,182,467 halaga ng palay.

Ang pinsala sa mga pananim sa Mindanao, partikular sa Agusan Del Sur, Misamis Oriental, at Compostela Valley, ay naitala naman sa P4,901,950.

Sa kabuuan, umabot sa P574,778,741 ang naitala ng NDRRMC na pinsala ng bagyo.

Ang pinsala naman sa imprastruktura ay nasa P69,762,500: P61,800,000 sa Misamis Oriental at P7,962,500 sa Bukidnon. - Elena L. Aben