Binalaan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang publiko laban sa GoWestJobs, isang immigration consultancy firm na nag-aalok umano ng mga pekeng trabaho sa Canada.
Ayon kay POEA Administrator Hans Leo Cacdac, inabisuhan ang ahensiya ng Philippine Overseas Employment Office (POEO) sa Toronto tungkol sa ilegal na aktibidad ng GoWestJobs, matapos iulat ng isang Eric Johansen, direktor ng Immigration Services ng Ministry of the Economy sa Saskatchewan ang umano’y mga mapanlinlang na alok na trabaho at labor market opinions (LMO) mula sa kumpanya.
Sinabi ni Cacdac na iniulat ni Johansen ang mga natatanggap na reklamo ng mga Canadian employer na nagbibigay ang GoWestJobs ng employment contract na may pinekeng lagda.
Ayon pa sa ulat ni Johansen, ang lahat ng dayuhang manggagawa ay nagkumpirmang nagbayad sila sa GoWest Jobs para sa mga kontrata at LMO na tinanggap nila mula kina Rose Lising-Grey at Imelda Saluma, pero natuklasang peke ang pirma rito. - Mina Navarro