Ni LESLIE ANN G. AQUINO

Maliban sa misa sa Manila Cathedral, ang lahat ng misa na idaraos ni Pope Francis sa bansa ay gagawin niya sa English, sa halip na sa Latin.

Sinabi ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), na nagdesisyon ang Vatican na English na lang ang gamitin sa mga misa ng Papa sa Pilipinas para mas maunawaan ng mas maraming Pinoy.

“He (Pope Francis) wants to reach out to more people,” sinabi ni Villegas sa isang panayam.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

“Mahirap intindihan ang Latin para sa maraming Pinoy habang mas madali namang maintindihan ang English,” dagdag ni Villegas.

Gayunman, aniya, ito ay para lang sa mga idaraos na misa malapit sa Tacloban airport sa Leyte at sa Quirino Grandstand sa Luneta sa Maynila.

Darating sa bansa sa Enero 15, magmimisa si Pope Francis sa Tacloban City sa Enero 17 habang sa Enero 18 naman siya magmimisa sa Luneta.

Gayunman, sinabi ni Villegas na ang misa ng Papa sa Manila Cathedral sa Enero 16 ay gagawin sa Latin dahil pamilyar sa nasabing lengguwahe ang mga obispo at mga pari.

“Ang clergy at ang mga obispo ay pamilyar sa Latin,” ani Villegas.

Una nang sinabi ni Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara, chairman ng CBCP-Commission on Social Communications, na ang mga misa ng Papa sa bansa ay idaraos sa Latin, pero English ang tugunan.

Nabanggit din niyang English din ang lahat ng speech ni Pope Francis sa Pilipinas.

“Sinabihan na kami na English ang mga speech ng Holy Father. Masuwerte tayo dahil nakakaintindi tayo ng English, pero hindi rin natin masabi, dahil mahilig manggulat ang Papa,” ani Vergara.