Sa kabila ng agresibong kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na pagpapaputok ng baril, dumoble pa rin ang bilang ng kaso ng indiscriminate firing sa pagsalubong sa Bagong Taon ngayong 2015 kumpara noong nakaraang taon.

Lumitaw sa tala ng Philippine National Police (PNP) na umabot sa 21 ang insidente ng ilegal na pagpapaputok mula Disyembre 16 hanggang Enero 3, 2015 o mahigit doble mula sa naitalang 30 kaso noong nakaraang taon.

Sa naturang bilang, 43 ang sugatan habang isa lang ang namatay sa Abra, na ang biktima ay isang 11-anyos na babae na tinamaan ng ligaw na bala habang nanonood ng fireworks display sa Tayum.

Sinabi ni Chief Supt. Wilben Mayor, tagapagsalita ng PNP, na 14 na kaso ng nasugatan ay mula sa Metro Manila, pito sa Calabarzon, anim sa Western Visayas, at lima sa Cordillera Administrative Region.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Sa kabila nito, 17 lang ang naaresto ng pulisya. Pito sa mga naaresto ay pulis, ayon sa ulat ng PNP.

Base sa datos ng PNP, aabot sa 1.6 milyon ang bilang ng rehistradong baril sa bansa subalit ang karamihang sangkot sa ilegal na pagpapaputok ng baril ay hindi lisensiyado ang armas.

Mahigit 25,000 hindi lisensiyadong baril ang nagkalat sa iba’t ibang lugar sa bansa. - Aaron Recuenco