Tinawag na traydor ang halos dobleng pagtaas ng pasahe ng Department of Transportation and Communications (DoTC) sa Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) na sinimulang ipatupad kahapon.

Ayon kay Senator Grace Poe, ang pagtaas ng pasahe ay ginawa noong nakaraang buwan na ang lahat ay nasa bakasyon, maging ang korte, na sa pamamagitan nito ay ubra sanang harangin ng mga consumer group ang taas-pasahe.

“Napakahudas ng ginawa nila. Kumbaga nakabakasyon ang tao, walang mapuntahan. Ang korte bakasyon din. Malinaw na traydor ito,” sinabi ni Poe sa panayam ng Radyo DZBB kahapon.

Sinabi pa ni Poe na matagal din ang ginawang pagdinig sa budget ng DoTC subalit walang binanggit ang kagawaran tungkol sa plano nitong magtaas ng pasahe sa tren.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Mula sa dating P15 ay magiging P28 na ang pasahe para sa MRT-3 mula sa North Avenue sa Quezon City patungong Taft Avenue, Pasay City.

Sa LRT 1 naman, ang dating P20 ay magiging P30 na sa biyaheng Baclaran, Pasay City hanggang Roosevelt Avenue, sa Quezon City, habang sa LRT 2, mula sa dating P15 ay magiging P25 na ang balikang biyahe mula Recto sa Maynila hanggang sa Santolan, Pasig City.

Ipinaliwanag pa ni Poe na may sapat na budget ang MRT at LRT sa rehabilitasyon ng mga ito, at kung inihayag na ng DoTC ang plano nito, dapat sana ay hindi na ito nabigyan ng subsidiya sa budget.