MALAKAS ang laban at marami ang humula na mananalong best actor sa Metro Manila Film Festival si Coco Martin na hindi man nangyari ay diretsahan niyang binanggit na wala siyang sama ng loob ni katiting sa pagkatalo niya.
Aniya, importante rin ang pagkakaroon ng award sa kagaya niya pero mas ipinagdasal niya nang husto ang box office success ng Feng Shui 2 na pinagbidahan nila ni Kris Aquino.
Tuwang-tuwa si Coco na lumalaban at hindi matinag-tinag sa number two slot ang pelikula nila.
“Kumbaga sa akin lang naman, eh, ‘yung kumita ang movie namin, eh, isang malaking blessing na yun. ‘Yun naman talaga ang ‘pinagdarasal namin. Pero kung mananalo ng award, eh, bonus na lang yun,” sey ni Coco.
Marami ang nakakapansin na kakaiba ang acting na ipinakita ni Coco sa Feng Shui 2. Banggit niya agad sa amin, ipinagpasalamat niya iyon sa direktor nilang si Chito Roño.
“Sa totoo lang, eh, hinayaaan ako ni Direk. Basta ‘pinaiintindi lang niya sa akin ‘yung eksena at ‘yung mga gusto niyang mangyari. Hindi niya ako pinasisigaw, para sa akin lang din naman, eh, ang pangit naman sa isang lalaki kung titili ako sa mga nakakatakot na eksena,” natawang sey pa ni Coco.
“Di ba nakikita naman na hindi naman ako sumigaw pero nararamdaman ng mga manonood ang takot. Sabi ko nga, eh, hindi ako p’wede lumambot, eh, lalo na taga-Malabon ako,” natawa uling banggit ng sikat na aktor.
Ang pakiramdam daw niya habang nagtatrabaho sa Feng Shui 2 ay gumagawa siya ulit ng indie movie.
“Kasi medyo mahirap ‘yung mga eksena namin. Sa totoo lang ‘yung location din namin maganda talaga pero habang nasa set kami, eh, mararamdaman mo ‘yung hirap kasi ‘yung paligid namin, puro tubig at the same time, ang liit ng bangka na sinasakyan namin,” sey pa niya.
Pero kahit nahirapan ay enjoy na enjoy si Coco sa shooting nila. Mas natsa-challenge, mas enjoy daw siya nang husto.