MONTREAL (AFP) - Dati nang nagbanta ang lalaking Canadian, na pumatay sa walong katao noong nakaraang linggo, na papatayin ang kanyang pamilya dahil sa anak sa labas ng kanyang asawa, ngunit binuhay niya ang dalawang sanggol, batay sa mga ulat nitong Sabado.
Iniimbestigahan pa ng pulisya ang posibleng motibo sa pamamaslang ni Phu Lam, isang Vietnamese, sa Edmonton.
Noong Disyembre 28 ay pinatay ni Lam ang kanyang asawang si Tien Truong, 35, at ang walong taong gulang na anak nitong lalaki, mga magulang, kapatid na babae, tatlong taong gulang na babaeng pamangkin at isang kakilala ni Truong. Kalaunan ay nagpakamatay din si Lam sa pinapasukang Vietnamese restaurant.
Sa press conference noong Biyernes, sinabi ng pulisya na dalawang bata—isang 12-buwan at isang walong buwan—ang iniligtas ni Lam sa masaker, nang iwanan niya ang mga ito sa bahay ng isang kamag-anak bago ipinagpatuloy ang pamamaslang.
“For whatever reason, the two children were spared,” ani Deputy Police Chief Mark Neufeld.