Dalawang tripulanteng Pinoy ang kumpirmadong namatay habang isa ang nasagip at 16 pang crew ang nawawala nang lumubog ang isang cargo vessel sa East Vietnam Sea, may 150 milya ang layo sa katimugang Vung Tau City sa Vietnam noong Enero 2, sinabi kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Noong Sabado ay nagpadala ng note verbale ng Vietnam Ministry of Foreign Affairs sa Embahada ng Pilipinas sa Hanoi upang ipabatid ang paglubog ng nasabing barko na may kargang 46,400 toneladang bauxite ore mula sa Malaysia.

Patungo sa China ang barko nang mangyari ang insidente matapos magpadala ang crew ng emergency signal dakong 11:30 ng umaga noong Biyernes.

Sinabi ni DFA Spokesman Charles Jose na narekober ng Vietnamese authorities ang bangkay ng dalawang Pinoy seaman na sakay sa lumubog na Bahaman ship Bulk Jupiter habang nasagip naman ang chief cook ng barko at patuloy ang paghahanap ng search and rescue team sa mga nawawalang tripulanteng Pinoy.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Ayon pa kay Jose, ang Vietnamese authorities ang nangangasiwa sa search and rescue operation, katuwang ang mga barko buhat sa Liberia, Oman, Singapore at China.

Sa pahayag ng international shipping company na Gearbulk, may kabuuang 19 na Pinoy crew-member ang sakay sa lumubog na barko at nangako ng tulong ang kumpanya sa mga pamilya ng mga biktimang Pinoy.

Nakikipag-ugnayan din ang embahada sa Vietnam Maritime Research and Rescue Coordinating Center (MRCC) at sa Philippine Honorary Consul General sa Ho Chi Minh City na tinatayang may 96 na kilometrong layo lang sa Vung Tau City para makakalap ng updates at magsagawa ng arrangements sa repatriation ng nailigtas na seaman, gayundin ng dalawang bangkay na narekober.