Handa ang Malacañang na pag-aralan ang panukalang total ban sa mga delikado at ipinagbabawal na paputok sa layuning mabawasan ang bilang ng mga nasasaktan sa paputok tuwing sinasalubong ang Bagong Taon.
Sinabi ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr. na hinihintay pa nila ang rekomendasyon ng Department of Health (DoH) kaugnay ng usapin sa kaligtasan kontra paputok at masusing pag-aaralan ang nasabing panukala.
“Kailangang pag-aralan ‘yung panukala dahil meron namang umiiral na batas na nagre-regulate sa paggamit ng mga paputok,” sinabi ni Coloma nang kapanayamin ng media.
“Sinasabi lang natin maraming factors ang sangkot sa usaping ‘yan. Madaling sabihin ‘yung ‘total ban’ o ‘yung titigil na pero sa tunay na paggawa ay kinakailangan pa rin ‘yung sama-samang pagkilos at ‘yung disiplina ng mga mamamayan para sumunod sa batas,” dagdag niya.
Makaraang daan-daang katao ang masaktan sa paputok sa selebrasyon ng Bagong Taon nitong Miyerkules at Huwebes, nagpahayag ng suporta si acting Health Secretary Janette Garin sa panukalang ipagbawal ang lahat ng uri ng paputok at sa halip ay magtalaga na lang ng common fireworks display sa bansa.
Sinabi pa ni Coloma na hihintayin ng Palasyo ang desisyon ng Kongreso sa mga pagsisikap na ipagbawal ang paggamit ng paputok sa mga pampublikong lugar, idinagdag na makikipagtulungan sila sa mga mambabatas sa pagbuo ng isang epektibo at katanggap-tanggap na batas.
“Sinasabi lang natin sa ngayon ay kinakailangan ang pag-uugnayan at ang masusing pag-aaral para maiwasan na o mapigil na ‘yung mga bilang na nasasaktan at napipinsala dahil sa mga bawal na paputok,” sabi ni Coloma. - Genalyn D. Kabiling