Ni AARON RECUENCO

Mahigit dalawang taon na ang nakararaan nang maganap ang malagim na pagkamatay ng biktima ng ligaw na bala na Stepanie Nicole Ella sa kainitan ng selebrasyon ng Bagong Taon sa Caloocan City subalit hanggang ngayon ay nangangapa pa rin sa dilim ang awtoridad kung sino ang salarin.

Aminado si Deputy Director General Leonardo Espina, officer-in-charge ng Philippine National Police (PNP), na wala pa rin silang natutumbok kung sino ang nagpaputok ng baril kung saan ang bala nito ay tumama sa ulo ni Ella noong Enero 1, 2013.

Subalit agad na sinabi ng opisyal na hindi pa rin sila sumusuko sa pagresolba ng kaso dahil naniniwala sila na hindi magtatagal ay matutukoy na rin nila ang baril na ginamit sa insidente sa pamamagitan ng forensic science.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Ilang ulit nang tinangka ng PNP na itugma ang bala na narekober sa ulo ni Ella sa ballistic record ng mga rehistradong baril subalit bokya pa rin ang awtoridad hanggang ngayon.

“Para kaming naghahanap ng karayom,” komento ni Espina.

Aniya, maging ang mga bagong rehistradong baril simula 2013 ay isinalang na sa ballistics examination subalit hindi pa rin natukoy ang armas na pinanggalingan ng bala na tumama kay Ella.

“Tuloy-tuloy ang prosesong ito at ito ay nangangahulugan na lahat ng baril na may kahalintulad na kalibre ay isasalang naming sa ballistics,” ayon kay Espina.

Umabot na sa 150,000 baril ang tinangkang itugma sa bala na bumaon sa ulo ni Ella.

Ayon pa kay Espina, gagamitin din ang kahalintulad na proseso sa mga bagong kaso ng stray bullet injury ngayong Bagong Taon, kabilang ang pagkamatay ng 11-anyos na si Jercyn Decym Tabaday sa Tayum, Abra.