Nasa kustodiya ngayon ng Makati City Police ang isang guwardiya ng condominium na nahuli sa aktong nagpapaputok noong Bagong Taon.
Nakakulong sa detention cell ng pulisya ang suspek na si Michael Sobrepena y Pabro, 28, binata, security guard ng Man Great Security Agency, tubong Antao, Nueva Vizcaya at residente ng Quiapo, Maynila.
Sa imbestigasyon ni PO3 Elberto Rojas Jr., imbestigador ng Makati Police, 12:05 ng madaling araw ng Enero 1, naglalakad si Peter Timbol, computer analyst, sa Provident Plans Valero Plaza sa Valero St., Barangay Bel-Air, Makati City nang makita ang suspek na nagpaputok ng baril ng apat na beses.
Agad humingi ng tulong si Timbol sa lobby guard ng condominium na si Jeric Fernando na tumawag naman ng responde sa mga tauhan ng Makati Police Sub-Station 6 dahilan ng pagkakaaresto ng suspek na si Sobrepena. Narekober sa suspek ang kalibre .38 revolver na baril, apat na basyo ng bala.
Nabatid na naka-duty si Sobrepena nang magpaputok ito ng baril kaya mahaharap siya sa kaukulang kaso.
Samantala, nanawagan si Southern Police District (SPD) Director Chief Supt. Henry Ranola Jr. sa publiko na ipagbigay-alam sa awtoridad ang sinumang nalalamang nagpaputok ng baril sa pagsalubong ng Bagong Taon upang makatulong sa posibleng paglutas sa mga naitala sa National Capital Region (NCR) kaugnay sa kaso ng tinamaan ng ligaw na bala.
Tiniyak ni Ranola sa publiko na pawang confidential ang anumang makukuhang impormasyon mula sa mga concerned citizen.