SA kalendaryo ng Simbahan, ang unang Linggo ng taon ay ipinagdiriwang ang Pista ng Tatlong Hari. Ito ang huilng araw ng panahon ng Pasko. Sa nakalipas na panahon, ang pagdiriwang ng pista ng Tatlong Hari ay masaya at makulay na binibigyang-buhay tuwing sasapit ang ika-6 ng Enero. Ngunit mula noong 1970, ang pagdiriwang ay inilipat ng Catholic Bishops Conference of the Philippnes (CBCP) sa unang Linggo ng Bagong taon. Ngunit may mga lalawigan pa rin sa ating bansa na nagdiriwang ng tatlong hari sa dating petsa nito na ika-6 ng Enero.
Ang Tatlong Hari ayon sa kasaysayan ay kilala sa tawag na “Epifania” na mula sa salitang Griyego na “Epipania”na ang kahulugan ay pagpapakita, pagpapahayag o pagtotoo. Ang Epifania ay bahagi ng pagpapahayag ng Diyos. Ang Kanyang plano upang ang kaligtasan ay ilaan sa lahat ng tao, kay Kristo - ang sanggol na isinilang sa Bethlehem.
Ang Pista ng Tatlong Hari ay sinimulan pa noong 194 AD. Nauna pa ito sa Pasko at itinuturing na mahalagang religious festival. Ang gabi ng Epifania ay tinatawag na “Twelfth Day of Christmas”. Nang isilang si Jesus sa isang sabsaban, isang tala ang sumikat. Nakita ng Tatlong Hari ang nasabing kahanga-hangang bituin sa kalawakan. Palibhasa’y natatangi at kakaiba sa milyung-milyong bituin, ito’y tinawag na Star of Bethlehem.
Mula sa Silangan, ang Tatlong Hari na sina Melchor, Gaspar at Baltazar ay naglakbay. Sila’y ginabayan ng Star of Betlehem at may dalang mga handog sa Banal na Sanggol. Binubuo ito ng ginto, insenso at mira. Sa mga alay na ito, nakita ng mga unang pantas ng Simbahan ang mga katangian ni Jesus bilang Hari, Diyos at Tao na daranas ng mga paghihirap.
Ang mga aguinaldo ng Tatlong Hari ay inialay sa diwa ng kababaang-loob, pag-ibig at pagsamba at kailanman ay hindi ipinaghintay ng kabayaran o kapalit. Ang ginawang ito ng Tatlong Hari ay pinaniniwalaan na siyang simula at ginawang batayan ng pagbibigay ng mga aguinaldo kapag sumasapit ang panahon ng Pasko.