ANG rituwal na panahon ng Pasko ay tradisyunal na nagtatapos sa Pista ng Epifania (mula sa Greek na epiphaneia na ibig sabihin patotoo) na tinatawag ding Three Kings’ Day, sa unang Linggo matapos ang Enero 1. Dating nakatakda ang kapistahan sa Enero 6, ang ika-12 araw ng Pasko. Ginugunita nito ang Tatlong Pantas mula sa Silangan – sina Melchor (hari ng liwanag), Gaspar (ang maputi), at Baltazar (panginoon ng kayamanan) – na nagpaparangal sa sanggol na si Jesus sa isang sabsaban sa Bethlehem, hatid ang kanilang mga handog na ginto (Si Jesus ang Hari), mira (Si Jesus ang manunubos), at kamanyang (panalangin).
Samantalang ang Pasko ay pampamilyang kapistahan ng Kristiyanidad, ang Epifania naman ang pandaigdigang kapistahan ng Simbahang Katoliko, ang pista ng pagka-Diyos ni Kristo. Ang pagbasa sa misa ngayon ay nakatuon sa kahalagahang espirituwal ng unang patotoo ni Jesus sa sangkatauhan. Tinatawag ding Day of the Kings (El Dia de los Reyes) o Feast of Light sa ilang bansa, ipinagdiriwang ito sa maraming kaugalian ng iba’t ibang kultura.
Iniiwan ng mga batang Pilipino ang kanilang malilinis na sapatos sa may pintuhan o bintana sa paniniwalang pupunuin iyon ng mga hari ng mga regalo. Sa ilang lokalidad, may pagsasadula ng tatlong lalaking nakadamit na parang hari na lulan ng mga kabayo at namamahagi ng mga regalo at kendi sa mga bata. Sa Maynila, deka-dekada nang tradisyon ng Casino Español na magkaroon ng Tatlong Hari na lulan ng mga kabayo at humayo sa lansangan, kasama ang isang banda
ng musika patungo sa clubhouse kung saan naghihintay sa kanila ang mga bata ng Spanish community pati na rin ang mga ulila at mga batang maralita upang tanggapin ang kanilang mga Christmas gift. Sa Gasan, Marinduque, isinasadula ang Tatlong Hari na sumusunod sa isang maliwanag na bituin, na matatagpuan si Jesus sa isang sabsaban.
Ang mga selebrasyon sa karamihan ng mga bansa ay kinapapalooban ng pagbibigayan ng regalo at pakikisalo sa mga cake ng mga hari, may pabinyag din at pagbabasbas ng mga bahay. Sa Mexico, naghahanda ang taumbayan ng isang milyang Rosca de Reyes (tinapay ng hari) na may pigurin ng sanggol na Jesus na nakatago sa tinapay, at ang makakukuha niyon ay obligadong maghanda ng tamales (suman) para sa lahat sa Day of Candles sa Pebrero 2. Kostumbre naman ang Star Singers sa Bavaria at Austria kung saan nakadamit na parang hari ang mga bata, tangan ang isang higanteng bituin, at aawit sa mga bahay kapalit ang pera o mga kendi. Sa France, idinaraos ang Le Jour des Rois o Fete des Rois (Day of Kings) sa pagbabahagi ng bilugan at flat na Galette des Rois o Kings’ cake sa mga bata sa kapwa bata at matanda. Sa Spain, pinupuno ng mga bata ang kanilang mga sapatos ng dayami para sa mga kabayo ng tatlong hari at inilalapag sa harapan ng pintuan.