Iniutos ni Department of Justice (DoJ) Secretary Leila de Lima na isailalim muli sa medico legal ang walong taong gulang na babae na tinangka umanong halayin ng isang preso sa loob ng Maximum Security Compound ng New Bilibid Prison (NBP).
Sinabi ni De Lima na kailangang ulitin ang pagsusuri sa biktima upang matiyak na hindi talaga ito ginahasa.
Matapos sumingaw ang isyu, nag-init muli ang ulo ng kalihim dahil sa pangyayari kasunod ng pagkakadiskubre ng matagal nang anomalya sa loob ng NBP.
Dahil dito, siniguro ni De Lima na may mananagot na tauhan ng NBP kung mapatutunayang may kapabayaan sa nangyari.
Nabatid na ang walong taong gulang na bata ay anak ng isang inmate na dumalaw sa piitan.
Sinasabing muntik nang gahasain ang bata ng isang miyembro ng “Bahala Na Gang”.
Noong Disyembre lang ay nasangkot na naman ang ilang VIP prisoner sa anomalya matapos ang sorpresang paggalugad ng mga awtoridad sa loob ng piitan.
Narekober dito ang mga droga, mamahaling appliances maging ang sex toy at iba pang bagay na mahigpit na ipinagbabawal sa loob ng piitan.