Nais ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na mapahaba ang panahon ng pag-i-impound sa mga public utility vehicle (PUV) na nahuhuli dahil sa pamamasada sa hindi nito ruta.
Mula sa 24-oras na impoundment, iminungkahi ng ahensiya ang tatlong-buwang pag-i-impound sa mga pampublikong sasakyan, kapareho ng parusa sa mga nahuhuling kolorum o namamasada nang walang prangkisa.
Ito ang inirekomenda ni Emerson Carlos, MMDA assistant general manager for operations, sa pakikipagpulong kamakailan ng ahensiya sa Metro Manila Council (MMC), na binubuo ng mga alkalde sa Metro Manila.
Sinabi ni Carlos na ang umiiral na hindi sapat ang regulasyon sa mga namamasada sa hindi nila ruta, partikular ang panahon ng pag-i-impound sa mga sasakyan bukod pa sa P6,000 multa ng lumabag.
Ayon kay Carlos, sa bisa ng Land Transportation Office (LTO) Department Order No. 2008-39, ang panahon ng impoundment sa mga out-of-line na PUV ay tatlong buwan sa unang paglabag, anim na buwan sa ikalawang paglabag habang babawiin ang rehistro ng sasakyan sa ikatlong paglabag.
Gayunman, nagdesisyon ang mga Metro Manila mayor na ipagpaliban ang pag-apruba sa nasabing panukala.