Miguel-Tanfelix-at-Bianca-Umali-3-copy

SA press launch ng Once Upon A Kiss, parehong napa-wow! ang mga bidang sina Miguel Tanfelix at Bianca Umali nang sabihan silang tiyak nang sila ang igu-groom ng GMA Network para sumunod sa yapak nina Dingdong Dantes at Marian Rivera bilang magka-love team.

Tulad daw kasi ni Dingdong, guwapo, mahusay sumayaw at mahusay ding umarte si Miguel. Ganoon din ang magandang si Bianca, na at 14 ay mukha nang dalaga, mahusay umarte at mahusay ding sumayaw tulad ni Marian.

“May pressure po nang konti na maihambing kay Sir Dingdong,” sabi ni Miguel. “Ang saya po sigurong dumating sa point na makarating sa level nila kaya ii-enjoy po namin iyon at gagawin naming inspirasyon para makarating doon.”

Generals nag-walk out daw sa isang command conference; AFP, nagsalita na

“Kung totoo pong inihahambing nila ako kay Ms. Marian, may pressure po, pero ang sarap sa feeling ang ganoon,” nakangiting wika ni Bianca. “Nakakagulat lang kung ganoon po ang expectations nila sa amin ni Miguel at nagpapasalamat kami sa kanila.”

Pareho nang nakasama nina Miguel at Bianca si Marian dahil ilang beses silang nag-guest sa Celebrity Dance Showdown ng dance show nitong Marian. Hindi pa nila nakakasama sa project si Dingdong, pero nakasama nila ito sa outreach ng Kapuso Foundation, Inc. nang i-lunsad nila ang pamimigay ng bahay sa mga nasalanta ng bagyong ‘Yolanda’ sa Tacloban City. Nakita raw nila kung gaano kabait at inalalayan sila ng dalawa during the launch.

Galing ang teen love team nila sa Niño drama series, gumanap si Miguel bilang special child at naging tagapagtanggol niya si Bianca. Ngayon, ibang-iba na ang kanilang characters.

“Kailangan ko pong iwanan ang character ni Niño at ngayon, ako si Prince, anak-mayaman pero may pagkamaangas. Pero hindi niya makakalimutan na naging childhood friends niya si Ella at babalikan niya ang kaibigan.”

“Kung pa-sweet ako noon sa Niño, dito naman ako po ay ang palabang si Ella at ang nakakatuwa, kailangan ko pong mag-aral sumigaw kapag nagtitinda ako ng banana cue, iyon po kasi ang pinagkakakitaan namin ng nanay ko (Manilyn Reynes),” sabi naman ni Bianca.

Once Upon A Kiss ang title ng series nila pero wala pa raw silang kinukunang kissing scene. Nakikita na kasi sa trailer ang mga pabirong paghalik ni Miguel kay Bianca, na ikinakikilig ng mga nakakapanood.

“P’wede po namang dayain ang kissing scene,” natatawang sabi ni Miguel. “Basta ang mga characters namin ni Bianca, na kay Bb. Joyce Bernal na po. Nagkaroon po muna kami ng workshop kay Direk Joyce at may acting coach kami para ituro ang dapat naming gawin.”

“Hindi po kami pinababayaan ni Bb. Joyce sa mga eksena namin at lagi siyang nakaalalay sa amin. Basta kami po ni Miguel gagawin namin ang best namin at ayaw naming biguin ang opportunity na ibinigay sa amin ng GMA at bigyan kami ng ganitong proyekto. Ngayon pa lamang nagpapasalamat na kami sa management.”

Mapapanood na simula bukas, January 5, sa primetime slot ng GMA-7, pagkatapos ng More Than Words, ang Once Upon A Kiss na nagtatampok din kina Mylene Dizon, Michael de Mesa, Gabby Eigenmann, Al Tantay, Cris Villanueva, Tessie Tomas, Nova Villa, Keempee de Leon at marami pang iba.