Ni MICHAEL JOE T. DELIZO

Isinugod kahapon si German “Kuya Germs” Moreno sa St. Lukes Medical Center sa Quezon City matapos makaranas ng mild stroke.

“His right leg is at 50% mobility. 0% on his right arm and a bit slurry on his speech,” pahayag ni Federico Moreno, anak ng beteranong TV host, na ipinaskil sa Philippine Entertainment Portal (PEP) website.

Tiniyak naman ng nakababatang Moreno na bumubuti na ang lagay ng tinaguriang “Master Showman” subalit hindi pa rin ito maaaring tumanggap ng bisita o tawag sa telepono sa mga susunod na araw.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Chuchi Fajardo, staff ni Kuya Germs, na posibleng “over fatigue” ang nagbunsod ng mild stroke nito.

Humingi ng dasal ang pamilya ni Moreno mula sa kanyang fans para sa agaran niyang paggaling.

Kasalukuyang nagpapagaling si Kuya Germs sa Acute Stroke Care Unit ng St. Lukes Medical Center, ayon pa sa ulat.

Nagsimulang maging aktibo sa showbiz ang 71-anyos na TV host noong 1963 na siya ring nagpasikat sa mga talent show na “GMA Supershow” at “That’s Entertainment” na naging hagdan sa tagumpay ng maraming artista.

Naging abala rin si Kuya Germs sa programa niyang “Walang Tulugan with the Master Showman” na ipinalalabas tuwing Linggo ng madaling araw.

Tumayo ring ninong si Moreno sa enggrandeng kasal nina Marian Rivera at Dingdong Dantes noong Disyembre 30.