DO-RE-MI ● May nakapag-ulat na bumabagsak na ang industriya ng paggawa ng piano sa Amerika (at malamang sa ibang bahagi rin ng daigdig). Wala na halos bumibili ng totoong piano at mas tinatangkilik ng mga may interes pa sa naturang instrumento ang electronic keyboard dahil mas mura at praktikal. Tanggap naman ng mga manufacturer ang tunay na dahilan – ang mabilis na pag-usad ng teknolohiya at ang mataas na presyo ng bagong piano. Binago na kasi ng computer technology ang interes ng mga bata. Mas interesado na ang mga tao sa mga bagay na hindi gaanong pinagbubuhusan ng sobrang pagsisikap.

Kaya ang maupo sa harap ng piano sa loob ng isang oras upang matutong magpatugtog o tumeklado, ay isang bagay na katatamaran ng mga bata sapagkat wala roon ang kanilang interes. Kung magkaroon man ng interes ang isang bata na tumugtog ng piano, magda-download lamang ito ng app sa kanyang tablet at naroon na ang magagandang tunog sa bawat teklado at may gabay pa para sa mga tipa at daliri. Isa pang dahilan ng pagbagsak ng industriya ay ang kompetisyon nito sa sports at video games. Ngunit kung nais mong matuto ng musika, ang piano ang isa sa pinakamahahalagang instrumento na puwede mong simulang pag-aralan.

***

ANO BA ‘YAN? ● Kamakailan, nagulantang na naman tayo ng isang balita tungkol sa National Bilibid Prison; isang batang babae ang muntik nang magahasa sa loob ng ng pambansang piitan. Naging kaugalian na kasi na kapag panahon ng Pasko at Bagong Taon, langkay-langkay kung dumalaw ang mga pamilya sa kanilang mga kaanak na nakahoyo. Iniulat ni Justice Secretary Leila De Lima na natagpuan ang 8 anyos na babae sa loob ng Maxium Security Compound ng NBP matapos tangkaing gahasain ng isang inmate. Ang bata, na walang panty at nakatali ang leeg nang matagpuan sa loob ng palikuran ng isang kapilya, ay hindi naman nagalaw ayon sa sumuring medico-legal ng NBP infirmary. Pinaiimbestigahan na ni De Lima ang pangyayari at inahahanda na ang karagdagang kasong nauukol sa naarestong suspek na malamang na makansela ang pribilehiyo nitong dalawin ng mga kamag-anak at maaapektuhan ang kanyang Good Conduct Allowance. Ano pa ba ang mawawala sa suspek? Ano ba ‘yan? Bakit parang malabnaw ang seguridad sa NBI? Kailangan na talaga sa mga kasong involved ang rape, lalo na sa bata – kahit pagtatangka lang – ang parusang bitay.
National

Ex-Pres. Duterte, muling tinawag na ‘bangag’ si PBBM: ‘Maging ul*l si Marcos…’