BAGUIO CITY – Mahigit isang milyong turista ang bumisita sa Summer Capital of the Philippines sa nagdaang holiday seasons, habang umaabot naman sa P3 bilyon ang kinita ng mga pribadong sektor sa lungsod, ayon sa ulat ng Hotel and Restaurant Association in Baguio (HRAB).

Ayon kay HRAB President Anthony de Leon, ang bilang ng turista ay base sa mga hotel accommodation sa lungsod, na naging fully booked bago ang Pasko hanggang bago sumapit ang Bagong Taon.

“Nakita at naranasan natin ang unang bugso ng mga turista noong Disyembre 26 na nagdulot ng matinding trapiko sa loob at labas ng siyudad. Maging ang ating opisyal at pulisya ay nabigla sa dami ng turista, puno ang maliliit na hotel, transient houses at ang iba ay sa parke na nagpalipas ng gabi, bago pa ang Pasko,” kuwento ni De Leon.

Aniya, ang bawat turista ay tinatayang gumastos ng P2,500 kada araw para sa hotel, pagkain, transportasyon at souvenir items, kaya malaking bentahe sa ekonomiya ng Baguio ang pagdagsa ng turista. - Rizaldy Comanda
National

Super Typhoon Ofel, napanatili ang lakas habang nasa northeast ng Echague, Isabela