Mga laro ngayon: (The Arena, San Juan)
8 a.m. – ADMU vs UE (men)
10 a.m. – UP vs NU (men)
2 p.m. – UP vs ADMU (women)
4 p.m. – UE vs DLSU (women)
Mapatatag ang kanilang pagkakaluklok sa unang dalawang puwesto ang tatangkain ng archrivals De La Salle University (DLSU) at reigning women`s champion Ateneo de Manila University (ADMU) sa dalawang magkahiwalay na laban ngayon sa pagpapatuloy ng aksiyon ng UAAP Season 77 volleyball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.
Magkasunod ngayon sa 1-2 posisyon sa team standings, taglay ang malinis na barahang 5-0 at 4-0 baraha, ayon sa pagkakasunod, kapwa pinapaboran ang dalawang koponan na manaig sa kanilang mga kalaban ngayong hapon matapos ang unang dalawang laban sa men`s division.
Nakatakdang makatunggali ng Lady Spikers ang wala pang panalong University of the East (UE) matapos ang limang laban sa tampok na laro sa ganap na alas-4:00 ng hapon habang magtutuos naman sa unang women`s match ang Lady Eagles at ang kanilang kapitbahay sa Katipunan na University of the Philippines (UP) sa alas-2:00 ng hapon.
Huling tinalo ng Lady Eagles ang University of Santo Tomas (UST) para sa kanilang ikaapat na straight sets win habang nanaig naman ang Lady Spikers kontra sa Far Eastern University (FEU), 3-1, para sa ikalimang sunod nilang tagumpay.
Sa men`s division, patatagin naman ang kanilang pangingibabaw sa pamamagitan ng pagpuntirya nila sa ikaanim na sunod na tagumpay ang tatangkain ng defending champion National University (NU) sa pagharap nila sa UP sa ikalawang laban sa ganap na alas-10:00 ng umaga.
Una rito, magtutuos naman ang nakaraang taong losing finalist na Ateneo at ang winless pa rin na UE sa alas-8:00 ng umaga.
Magtatangka ang Lady Maroons na makakalas sa kasalukuyang pagkakatabla nila ng NU sa ikalimang puwesto na hawak ang barahang 2-3 para makasalo ng Lady Tamaraws sa ikaapat na puwesto.
Para naman sa kanilang men`s team, hangad naman nilang ma-upset ang Bulldogs upang makatabla sa Tamaraws (2-3) sa ikaapat na posisyon.