NANGYARI na ba sa iyo ito? Birthday ng aking esposo noon at binalak kong magluto ng roasted chicken na kanyang paborito. So, maaga akong gumising, naligo at nagbihis at gumawa ng listahan ng aking mga bibilhin bago ako lumabas ng bahay at nagtungo sa palengke. Naturalmente pinili ko ang pinakamatabang dressed chicken at dekalidad na sangkap para sa pagluluto niyon at iba pang putahe. Hindi naman ako nahirapan sa paghahanap ng mga sangkap kaya nakauwi ako nang maaga.

Habang naglilinis ang aking esposo ng hardin, sala, lalo na ang comfort room para sa pagdating ng kanyang mga kaibigan, inasikaso ko ang pagluluto. At siyempre, ang “star” ng aming hapag-kainan, ang roasted chicken, ang inihuli ko upang maging kapana-panabik sa pang-amoy ng minamahal kong esposo. 2Matapos kong maluto ang ibang putahe, iniupo ko na ang natimplahan kong manok sa loob ng turbo broiler at itinakda ang 45 minuto ng inisyal na pagluluto sa init na sapat para roon. Kakalembang ang turbo broiler matapos ang 45 minuto, hudyat na luto na ang manok. Sapagkat marami-rami pang panahon ng paghihintay, naupo ako sa sala at nagbasa-basa ng magazine. Nang maglakbay ang aking diwa sa kung saang lupalop sa Europe at Amerika, nawala sa loob ko na may nakasalang akong manok sa turbo. Napaigtad ako nang maamoy ko na lang ang sunog na roasted chicken.

Paano kaya kung naglakbay ang diwa ng ating Diyos? Nasusulat sa Mabuting Aklat, “At Siya’y una sa lahat ng bagay, at ang lahat ng bagay ay nangabubuhay dahil sa Kanya”. Nangangahulugan ito na na hawak ng Diyos ang sanlibutan. Kaya kung maglalakbay ang diwa ng Diyos, mawawasak ang lahat ng bagay – magtutumbahan ang mga puno, mag-uumapaw ang mga ilog at dagat, guguho ang mga bundok, maglalabu-labo ang mga planeta. Hindi na matutugunan ang ating mga panalangin sapagkat walang makaririnig. At yaong Kanyang pinoprotektahan ay aagawin at pahihirapan ng mga kaaway. Ngunit hindi mangyayari iyon, sapagkat ang Diyos na hindi natutulog ay pinagmamasdan ang daigdig at tayo sa lahat ng oras (Aklat ng Mga Salmo). Nasa sentro tayo ng Kanyang atension at pangangalaga. Nakatitiyak tayo ng kaligtasan sapagkat iniibig at pinaglilingkuran natin ang Diyos na ang diwa ay hindi naglalakbay
National

Pag-aresto kina Guo, isang hakbang para masiguro kaligtasan ng PH -- Gatchalian