HAYAN, unti-unti nang lumalabas at nasusulat na kakandidatong senador si Dingdong Dantes sa 2016 sa ilalim ng Liberal Party.
Kami ang unang nagsulat ng balitang ito noong Setyembre 10, 2014. Nabanggit ng sources namin ang planong pagpasok sa pulitika sa susunod na eleksyon at posisyon sa Senado nga raw ang target nito na ikinagulat namin nang una naming marinig dahil masyado naman yatang nagmamadali at mataas agad. Bakit kaya hindi muna siya mag-umpisa sa mas mababa, gaya ni Quezon City Mayor Herbert Bautista halimbawa na nagsimula sa kabataang barangay.
“Tingnan natin, pero may plano ‘yan, alam niya kasing malapit na siyang magretiro sa showbiz lalo na ngayong ikakasal na sila ni Marian (Rivera),” sitsit ng grupong nakausap namin noong Setyembre.
Pero nagsabi noon si Dingdong na wala siyang planong pumasok sa pulitika dahil nga puwede naman daw siyang tumulong kahit wala siya sa posisyon.
Kaya tinext namin ang manager ng aktor na si Perry Lansigan kung magpupulitika nga ba ang alaga niya, “Wala akong alam,” kaswal na sabi sa amin.
Naniniwala pa rin kami, Bossing DMB sa kasabihan na kapag may usok, may apoy lalo na’t pawang nasa business sector ang mga nakausap namin dahil humingi raw ng suporta sa kanila ang kampo ng aktor.
Sila rin ang nagkuwento na maraming bishop ang darating sa kasal nina Dingdong at Marian na abot sa 200 ang unang plano, pero hindi na kinaya ng budget kaya iilan lang ang dumalo.
Kaya hihintayin namin ang taong 2016 kung ano ang final answer ni Dingdong sa pagpasok niya sa pulitika.
Samantala, sinulat din namin dito sa Balita ng parehong araw ang pagpasok ni Sharon Cuneta sa pulitika. Sinulat namin na may nagkuwento sa aming kakandidato para mayor ng Pasay City si Sharon at pinag-uusapan din ito sa business sector.
“Hindi pa lang ina-announce kasi maaga pa, pero hintayin mo,” tsika ng source sa amin. “It’s a 70-30 sa pagtakbo ni Sharon, wait mo lang.”
Bagamat ilang beses nang sinabi ni Sharon na wala siyang planong pasukin ang pulitika dahil magulo at baka hindi niya kayanin ang intriga at kalakaran dito.
Sa presscon nina KC Concepcion at Paulo Avelino para sa episode nilang “Exchange Gift” sa Give Love of Christmas (bukas na ang pilot telecast) ay sinabi ng aktres na hindi siya aware sa plano ng ina nang may magtanong tungkol sa isyu.
Hindi pa raw ito napag-uusapan sa pamilya, pero kung anuman ang plano ng ina ay malalaman din naman ito kaagad ng publiko.
May isang taon pa naman bago makapagdesisyon si Sharon kung itutuloy niya ang plano o hindi dahil sa kasalukuyan ay nagdadalamhati pa ang pamilya nila sa pagpanaw ni Mommy Elaine.