Pumasok na sa eksena ang Korte Suprema hinggil sa umano’y pagtanggi ng Department of Budget and Management (DBM) na ibigay ang P272-milyon pabuya sa isang civilian informant na naging susi sa pagkakabawi ng mahigit sa P4-bilyon buwis para sa kaban ng gobyerno.
Sa isang notice kay DBM Secretary Florencio Abad, inatasan ng Supreme Court First Division na sagutin niya ang Mandamus and Preliminary Prohibitory and Mandatory Injunction na inihain ng dapat na tumanggap ng pabuya.
Nagkakahalaga ng P272,074,992.91, sinabi ng nagrereklamo na dapat na magpalabas si Abad ng Notice of Cash Allotment dahil matagal nang inaprubahan ng Bureau of Treasury ang voucher JEV No. 07-04-3452 kung saan nakasaad ang halaga ng kanyang tatanggaping pabuya.
Noong Disyembre 4, 2014, nagpalabas muli ang BTR ng sertipikasyon na nagbigay kumpirmasyon sa impormante na maaari nang makubra ang cash reward.
Lumitaw sa record na nakatanggap na ang impormante ng P63,185,959.73 bilang unang bugso ng pabuya.
Bukod dito, lumiham din ang impormante kay Pangulong Aquino sa pagkakaipit ng kanyang tatanggaping pabuya dahil pati sa mga banta sa kanyang buhay bunsod ng kanyang pagbulgar sa oil smuggling operation sa Mariveles, Bataan halos 17 taon na ang nakararaan. - Rey G. Panaligan