Namimiligrong hindi matuloy sa bansa ang unang Asian Volleyball Confederation (AVC) Women’s Under 23 Volleyball Championships dahil sa kaguluhan at kawalan ng resolusyon sa nag-aagawang grupo sa liderato ng Philippine Volleyball Federation (PVF).

Nalaman kay AVC Development and Marketing Committee Chairman at FIVB Development Commission member Ramon “Tatz” Suzara na sumulat ang namamahalang AVC na posibleng ilipat na lamang ang unang isasagawang internasyonal na torneo na tinatampukan ng pambansang koponan kung hindi mareresolba sa huling bahagi ng Enero ang kaguluhan sa liderato ng PVF.

Ang AVC Women’s Under 23 Championships 2015 ay kinonsepto at inorganisa ng AVC para sa mga miyembrong bansa kung saan paglalabanan ang makalahok sa 2015 Women’s U 23 World Volleyball Championship.

Nauna nang nagawa ng Pilipinas na makuha ang karapatan para i-host ang torneo na itinakda sa Mayo 1-9 subalit napipintong bawiin ito ng AVC kung hindi mareresolba ang kaguluhan sa asosasyon.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Matatandaan na inatasan ng AVC at FIVB ang Philippine Olympic Committee (POC) upang agad na ayusin ang kontrobersiya matapos na lumutang ang mga dating opisyal ng PVF upang kunin ang pamamahala sa asosasyon mula sa binuo namang tinagurian na “interim board”.

Binuo naman ng POC ang 5-man committee na pamumunuan ni 1st Vice-president na si Joey Romasanta kasama sina POC legal adviser Atty. Ramon Malinao, Shakey’s V-League president Ricky Palou, ang 28th SEA Games technical assistant na si Chippy Espiritu at dating national player na si Mozzy Ravena.

Gayunman, dahil sa kagahulan ay itinakda ng POC ang pagsasagawa ng isang try-out para sa isasaling koponan sa susunod na linggo, partikular sa Sabado at Linggo (Enero 9-10). Inaasahang kasunod na nito ang pagbuo ng panibagong asosasyon na siyang papalit sa PVF.

Itinalaga ni Romasanta si Roger Gorayeb, kasama si Sammy Acaylar, para buuin ang women’s U 23 national team.