CAMP VILLAMOR, Abra – Limang katao ang isinailalim ng pulisya sa paraffin examination kaugnay ng imbestigasyon para matukoy ang pinagmulan ng bala na pumatay sa isang 11-anyos na babae sa pagsalubong sa Bagong Taon noong Huwebes sa Barangay Bumagcat, Tayum, Abra.

Sinabi kahapon ni Insp. Grace Maron, tagapagsalita ng Abra Police Provincial Office, na isinailalim ng Tayum Police sa paraffin test ang ama ng biktima at lima nitong kainuman.

Matatandaang tinamaan sa ulo ng ligaw na bala si Jercy Decym Buenafe Tabaday, mag-aaral sa Grade 4 sa Bumagcat Elementary School, dakong 12:20 ng umaga habang nakatayo siya sa likod ng kanyang ama sa labas ng kanilang bahay.

Napaulat na bigla na lang napahandusay ang bata hanggang matuklasang nagdurugo ang kanyang ulo.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Isinugod ang paslit sa Abra Provincial Hospital sa Bangued, ngunit namatay dakong 3:30 ng umaga nitong Huwebes.

Sinabi ni Maron na ang balang nakuha mula sa ulo ng biktima ay nagmula sa isang .45 caliber pistol.

Gayunman, inamin niyang blangko pa rin ang pulisya sa pagtukoy sa lead para malaman kung saan nagmula ang bala.

Upang mapabilis ang imbestigasyon sa insidente, isang grupo ng mga sibilyan na tinatawag na Guardians Reform Advocacy & Cooperation Towards Economic Prosperity ang nag-alok ng P100,000 bilang pabuya sa sinumang makapagbibigay ng mahalagang impormasyon na makatutukoy sa pagkakakilanlan ng nagpaputok ng baril na pinagmulan ng ligaw na bala.