CHICAGO (AP)- Nagposte si Derrick Rose ng 13 sa kanyang 17 puntos sa fourth quarter upang tulungan ang Chicago Bulls sa panalo kontra sa Denver Nuggets,106-101, kahapon.
Umiskor si Jimmy Butler ng 26 puntos para sa Chicago, habang nag-ambag si Pau Gasol ng 17 puntos, 9 rebounds at career-high na 9 blocks.
Ang huling pag-atake ni Rose ang nagdala sa Bulls sa kanilang ika-11 panalo sa 13 mga laro. Naimintis ng 2011 NBA MVP ang kanyang unang walong buslo, kasama na ang lahat ng pito matapos na mabokya sa unang half, subalit dinominahan ng point guard ang sumunod na yugto, kabilang ang isang napakalaking basket.
Pinamunuan ni Wilson Chandler ang Denver na taglay ang 22 puntos. Nagsalansan si Ty Lawson ng 20, habang nagtala si Arron Afflalo ng 19 puntos. Nagdagdag si Kenneth Faried ng 18 puntos at 19 rebounds, ngunit sumadsad pa rin ang Nuggets sa 4-12 sa kanilang pagdayo.
Tangan ng Chicago, napag-iwanan ng 13 sa kaagahan ng third, ang 100-97 lead matapos na itarak ni Denver’s Jusuf Nurkic ang layup sa nalalabing 46 segundo.
Ikinasa pa ni Rose ang isang jumper para paangatin ang Bulls matapos ang dunk ni Faried, may 22 segundo pa sa orasan. Humirit si Chicago’s Aaron Brooks ng dalawang free throws upang itatag ang five-point lead bago isinagawa ni Nurkic ang dalawang puntos nang makakuha ng foul kay Taj Gibson sa natitirang 11 segundo. Subalit humirit uli si Rose ng dalawa sa foul shots upang dalhin ang iskor sa 106-101.
Napag-iwanan ang Bulls sa 74-70 sa huling bahagi ng third quarter nang butatain ni Gasol si Nurkic. Nakakuha ng foul si Butler upang maikasa ang dalawang free throws, nagpa-init sa kanilang nine-point run.
Lalo pang natulala ang crowd nang itarak ni Kirk Hinrich ang 3s mula sa corner, may 16 segundo pa sa orasan, nagkaloob sa Bulls ng three-point lead, bukod pa sa dinagdagan ito ni Gasol sa pamamagitan ng kanyang running hook upang dalhin sa 79-74 lead, may 22 segundo sa fourth.