Bilang isa sa mahalagang “requirements” na inilatag ng pamunuan ng FIBA para sa naghahangad na maging susunod na host ng FIBA World Cup, ang pagkakaroon ng multiple venues, ngayon pa lamang ay pinaghahandaan na ito ng Pilipinas na isa sa anim na bansang nag-bid para makapag-host ng nasabing event.

Kaugnay nito, sinabi ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) executive director Sonny Barrios na mayroong isang grupo na nakabase sa US ang kasalukuyang nakikipagpulong sa pamunuan ng Solaire para sa planong pagtatayo ng isang bagong  FIBA-standard venue sa loob ng Metro Manila.

Ayon kay Barrios, sa kanilang isinasagawang paghahanap ng mga venue ay natiyempuhan nila ang plano ng Solaire Group sa pagpapatayo ng isang multi-purpose stadium.

Nakausap na aniya ni Barrios ang Solaire bago sila nagtungo noong nakaraang buwan sa Geneva para dumalo sa pagpupulong ng FIBA.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ang Pilipinas, kasama ng China, Qatar, Turkey, France at Germany, ang mga nag-aagawan para sa karapatang maging punong-abala sa 2019 at 2023 editions ng Basketball FIBA World Cup.

Sinabi ni Barrios na dalawa pang stadiums ang kasalukuyang ginagawa at inaasahang papasa sa standard ng FIBA sa Bacolod City at sa Cebu.

Ito’y sa pamamagitan ng SM Group of  Companies na siya ring nagpatayo ng state-of-the-art Mall of Asia Arena sa Pasay kung saan idinaos ang FIBA Asia Championships noong 2013.

Sa ngayon ay tatlong venues na ang inaasahang nakahanda at papasa sa panuntunan ng FIBA na kinabibilangan ng MOA Arena, SMART-Araneta Coliseum sa Quezon City at ang Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.

Sinabi ni Barrios na humanga ang mga opisyal ng FIBA ng mabalitaan ang pagkakaroon ng world record na mahigit sa 52,000 katao na nanood sa opening ng PBA sa Philippine Arena noong nakaraang taon dahil ang nasabing bilang ay sa “soccer” lamang umano nangyayari sa US.

Isang grupo ng inspectors ng FIBA ang darating sa bansa ngayong  Enero 26 hanggang 30 para mag-inspeksiyon sa naturang venues.

Samantala, umaasa naman ang SBP na magkakaroon ng sapat at kaukulang suporta mula sa mga lokal na pamahalaan ang target nila para maging host ng FIBA World Cup.