Umaapela ng tulong ang isang Catholic priest para sa libu-libong pamilya na nasunugan sa Quezon City noong unang araw ng 2015.

Nananawagan si Father Rey Hector Paglinawan, parish priest ng Most Holy Redeemer Parish ng Barangay Apolonio Samson sa Quezon City, ng pakikiisa at pagtutulungan para sa mahigit 2,000 pamilya na pansamantalang nanunuluyan ngayon sa mga covered court at ilang paaralan, matapos na masunugan nitong Huwebes.

Partikular na kailangan ng mga biktima ang pagkain, tubig, kumot at mga banig dahil karamihan sa kanila ay walang naisalbang gamit.

“Para po sa lahat ng tulong o donation, puwede n’yo po akong kontakin, nandito lang po ako sa Most Holy Redeemer Parish sa Malas St., Masambong, Quezon City malapit po sa Police Station 2,” panawagan ni Paglinawan sa panayam ng Radyo Veritas.

National

Sen. Bong Go, pinakiusapan si Sen. Imee na pagkasunduin muli sina PBBM, VP Sara

“Mayroon tayong itinatag na Task Force Rasyon para po sa lahat ng tulong, dini-distribute po natin ito sa apat na area kung saan tumitigil po ‘yung mga biktima.” Nagpaabot din ang pari ng pakikiramay sa mga naulila ng mga nasawi sa sunog.

Lubos namang nagpapasalamat ang pari sa Caritas Manila at Quiapo Church na nagpadala ng tulong para sa mga nasunugan.

Sa inisyal na pagsisiyasat ng mga awtoridad, nagsimula ang sunog dahil sa isang kuwitis dakong 6:00 ng umaga na umabot sa general alarm.

Tatlong katao ang kumpirmadong nasawi at isang bombero ang naputulan ng daliri sa sunog.

Batay sa tala ng Bureau of Fire Protection (BFP), 17 sunog ang naitala sa Metro Manila sa pagsalubong sa Bagong Taon.